HALOS isang taon matapos ang eleksyon, mataas pa rin ang rating ni Pangulong Duterte. Mabango pa siya at patunay diyan ang resulta ng mga lumabas na survey.
Nang umupo si Duterte, ang una niyang net satisfaction rating sa survey ng Social Weather Station ay 64 porsyento (Setyembre 2016 survey). Noong Disyembre, bumaba ito sa 63 porsyento at noong Marso ay 63.
Sa unang tatlong survey ng SWS kay dating Pangulong Simeon Benigno Aquino, ang kanyang nakuha ay 60 (Setyembre 2010), umakyat ng 64 (Disyembre 2010) at bumaba sa 51 (Marso 2011).
Kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, naman ang kanyang nakuha ay 24 porsyento (Marso 2001), 17 (Abril 2001), 18 (Mayo 2001), 16 (Hulyo 2001), 15 (Setyembre 2001) at 27 (Nobyembre 2001).
Si dating Pangulong Joseph Estrada naman ay 60 porsyento (Setyembre 1998), 61 (Nobyembre 1998), at 67 (Marso 1999).
Maliban kay Arroyo ay hindi naglalayo ang iba pang survey sa umpisa ng termino ng mga kongresista.
Ang resulta ng survey ay indikasyon na walang kahihinatnan ang impeachment complaint na isinampa laban sa Pangulo.
Siguradong maraming kongresista, lalo na ang nasa mayorya, ang hindi boboto pabor sa impeachment.
Bakit nga naman kakalabanin mo ang isang pangulo na mabango pa sa publiko?
Noong panahon nga ni dating Pangulong Gloria Arroyo na hindi mataas ang rating sa mga survey ay hindi siya naalis, si Duterte pa.
Ang binabantayan na lamang ay kung sino-sino ang mga boboto pabor sa reklamo na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano.
Tinitingnan din kung mayroong mga nagapang ngayong recess ang Kongreso at nakahandang bumaliktad.
***
Marami na rin ang nag-iisip ngayon kung ano ang ire report ni Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address sa Hulyo.
Sa isang taon niyang pamumuno, tiyak na babantayan kung ano na ang kanyang mga nagawa.
Hindi na naman bago sa atin na iniisa-isa ang mga pangako noong eleksyon, at ang mga nagawa na ng pangulo noong ito ay nasa tungkulin na.
Tiyak na isa sa mga tututukan ang kanyang pangako na wawakasan ang problema sa droga.
Noong una sinabi ni Duterte na wawakasan niya ito sa loob ng anim na buwan. Pero nang nakaupo na siya at malaman na niya ang lawak ng problema ay humingi siya ng extension.
Hindi naman kasi talaga ganoon kasimple ang problema. Ang hirit nga ng iba sa kanya noon, salita siya nang salita hindi naman pala niya alam ang problema. Pero pagbigyan na natin ang Pangulo, hindi naman talaga simple ang problema.
Ang pangako niya na ibalik ang death penalty ay nakakalahati na. Naipasa na ito sa Kamara de Representantes. Ang tanong ay kung maipapasa ito, at kung kailan, sa Senado.
Natupad naman niya ang sinasabi niya na papayagan na ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
May pondo ring inilaan sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagmula sa panahon ni Arroyo. Gayundin ang family planning.
Pero kung mayroon pang isang inaabangan ang publiko, ito ay ang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko at ang mas maraming tren na bibiyahe sa Metro Rail Transit Line 3.