Labing-anim katao ang nasugatan nang sumabog ang dalawang improvised na bomba sa gasolinahan sa Tacurong City, Sultan Kudarat, Lunes ng gabi, ayon sa pulisya.
Matapos ang mga pagsabog, dalawang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nadakip malapit sa gasolinahan at nakuhaan ng mga granada, sabi ni Senior Insp. Ronalyn Domidero, police-community relations officer ng Tacurong City Police.
Sina Warren Gani at Johari Gani, kapwa residente ng Maguindanao at kasapi ng MILF, ay nasa kostudiya ng pulisya at iniimbestigahan para sa posibleng kinalaman sa pambobomba, sabi ni Domidero sa Bandera.
Naganap ang unang pagsabog alas-6:45 sa bubong ng comfort room ng gasolinahan at mini-department store ng Dragon Quality Fuels sa bahagi ng National Highway na sakop ng Purok Ilang-Ilang, Brgy. Isabela.
Pinaniniwalaan na hinagisan ng improvised explosive device (IED) ang bubong.
Habang kino-kordonan at sinusuyod ng mga pulis, sundalo, at tauhan ng lokal na pamahalaan ang blast site, isa pang IED ang sumabog sa basurahan ng establismyento alas-7:10 at nagdulot ng pagkasugat sa 16 katao, ani Domidero.
Kabilang sa mga sugatan ay ang Army intelligence operatives na sina SSgt. Logen Presaldo, SSgt. Ramel Garde, at Cpl. Alvin Jimenez, at mga pulis na sina SPO2 Jasper Garcia, PO2 Gerard Martin San Pedro, at PO1 Eleazar Sustiguer.
Sugatan din ang driver ng ambulansiya na si Roger Bamo at iba pang sibilyang sina Danica Ella Ballaran, Reymart Del Rosario, Saulsalito Manoy, Joseph Liba, Leo Cueva, Michael Pon, Ryan Omar Ali, Richard Pineda, at Ivy Eunice Tobias.
Ilang minuto matapos ang ikalawang pagsabog, nadakip ng mga pulis sina Warren at Johari Gani, ani Domidero.
Nakita ang dalawa wala pa 100 metro mula sa pinangyarihan ng mga pagsabog at tila palayo, aniya.
Nakuhaan si Warren ng isang M67 fragmentation grenade habang nakumpiska kay Johari ang isang MK2 fragmentation grenade, ani Domidero.
Sinabi nina Warren at Johari sa mga pulis na kapwa sila kasapi ng MILF, aniya.
Si Warren ay nakatalaga umano sa MILF “Task Force Gani” habang si Johari ay miyembro naman umano ng 106th Base Command, ayon sa hiwalay na ulat ng pulisya.
Dinala ang mga sugatan sa iba-ibang pagamutan at marami sa kanila ang pinayagan nang makauwi, maliban kina Ballaran, Liba, Cueva, at Tobias, na naka-confine pa Martes ng umaga.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo ng pambobomba, na naganap 10 hanggang 15 minuto lang matapos makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon na may hinihinalang IED na iniwan sa isang kalapit na paaralan, ani Domidero.
Natagpuan ang isang “unattended baggage” sa bakanteng lote malapit sa St. John Early Learning Center, pero walang nakitang IED doon, aniya.
Ang mga insidente Lunes ng gabi’y naganap habang nasa pinakamataas na alerto ang pulisya’t militar sa Central Mindanao, dahil sa mga intelligence report na natanggap bago mag-Semana Santa tungkol sa mga planong pambobomba sa rehiyon, ani Domidero.
“Dahil sa nangyari, dinoble pa po namin ang security operations para maiwasang maulit,” aniya.
Pinagting ang mga checkpoint at pagkalap ng intelligence information ng pulisya’t militar, at ikinalat ang mga miyembro ng Armed Forces Task Force Talakudong sa mga pampublikong lugar, ani Domidero.
Nagsasagawa rin ng parehong “security measures” sa iba-ibang bahagi ng katabing rehiyon ng Northern Mindanao dahil sa mga pagsabog sa Tacurong, sabi ni regional police spokesman Supt. Lemuel Gonda sa isang text message Lunes ng gabi.
Bago ang mga pagsabog ay nakatanggap ang mga ahensiyang pangseguridad ng impormasyon na mambobomba ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, aniya.
MOST READ
LATEST STORIES