DESERVING si Lotlot de Leon sa tinanggap niyang Best Actress award sa All Lights India International Film Festival para sa pelikulang “1st Sem” na naging entry sa CineFilipino Film Festival noong nakaraang taon. Nanalo rin ang movie ng Best Feature Film.
Napanood namin ang pelikula sa ginanap na celebrity and press screening kamakailan sa SM Megamall at talagang mapapanganga ka na lang sa ipinakitang akting ni Balot na gumanap bilang isang inang pilit ginagampanan ang kanyang pagiging nanay at tatay sa tatlong mga anak na lalaki.
Kaya hindi na rin kami magtataka kung maiuwi rin ni Lotlot ang Best Actress trophy sa dalawang international film festivals na sasalihan ng “1st Sem” ngayong buwan: ang 50th WorldFest Houston International Film Festival sa Houston, Texas (April 21-30) na personal na dadaluhan ni Lotlot at ang 5th Seoul Guro International Kids Festival sa South Korea.
Lahat ng reporter at writer na present sa celebrity screening ay nagkaisa sa pagsasabing malakas ang laban niya sa dalawang filmfest pero siyempre hindi naman daw umaasa si Balot, “Ayokong isipin, ayokong isipin yun,” aniya.
“Noong ginagawa namin yung movie hindi ako nag-iisip ng award. Siyempre, malaking karangalan, pero hindi ko siya tinatanggap na iniisip kong pang-award siya. I did the movie because of the story, sa role ni Precy,” paliwanag ng award-winning actress.
Dagdag pa ni Balot, “Kahit hindi ako mabigyan ng recognition. Siyempre, hindi ko sasabihin na hindi siya importante. Pero, what matters to me is how I touch you as a person. Napatawa ba kita, napaiyak ba kita, natakot ba kita? Yun ang importante sa akin.”
Sa “1st Sem” grabe ang struggle ni Lotlot bilang si Nanay Precy, isang single parent na may tatlong anak na lalaki na halos sumuko na sa mga hamon ng buhay matapos mamatay ang kanyang asawa.
Ginampanan ng mga baguhang youngstars na sina Darwin Yu, Miguel Bagtas at Sebastian Vargas ang mga anak ni Lotlot na nagpakita rin ng magandang akting sa pelikula.
q q q
Inamin ni Lotlot na sa tunay na buhay ay mas nahirapan siya sa pagtayong nanay sa kanyang mga kapatid kesa sa pagpapalaki sa kanyang mga anak kabilang na ang Kapuso actress na si Janine Gutierrez.
“Sa mga kapatid ko, yes, kasi hindi talaga ako nahirapan sa mga anak ko. Hindi kami nagkaroon ng hardships, we we’re always open. Sa mga kapatid ko, it was different. So, iba-iba talaga,” aniya pa.
Alam naman ng buong mundo na si Lotlot na ang tumayong nanay ng kanyang mga kapatid nu’ng mawala sa eksena ang Superstar na si Nora Aunor, kaya naman naitanong sa kanya kung mas “grateful” sa kanya sina Ian, Matet, Kiko at Kenneth de Leon.
“No, hindi naman po mas grateful sa akin. Nararamdaman ko na mahal nila ako at mataaas ang respeto nila sa akin, that’s more than enough. Tsaka iba pa rin ako kay Mommy. Siyempre lahat kami, iba ang pagmamahal namin kay Mommy. It’s entirely different.
“I’m thankful that they showed me love and they have respect for me. Okay na yun sa akin. Pero kung mas mahal nila ako kesa kay Mommy, ewan ko, pero parang hindi rin naman tama yun,” aniya pa.
Kung may chance, sana raw ay mapanood din ni Ate Guy ang “1st Sem”, “It would be nice rin naman like ako, I want to show to my parents lahat ng bagay na pinaghihirapan ko. Kung magkakaroon sila ng panahon, bakit hindi.”
Ayaw nang magdetalye pa ni Balot kung ano ang takbo ng relasyon nila ng kanyang ina, “May mga bagay kasi na hindi ko na rin puwedeng ipaliwanag. Puwede kong ipaliwanag sa inyo pero hindi naman lahat ng tao makakaintindi.
Simula na ang commercial screening ng “1st Sem” sa April 26 nationwide na idinirek nina Allan Michael Ibanez at Dexter Paglinawan Hemedez. Kasama rin sa pelikula sina Allan Paule, Teri Lacayanga, Maddie Martinez at Karen Romualdez.