SA iba’t ibang anggulo ko pupulsuhan ang naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Abu Sayyaf Group sa Inabanga, Bohol noong isang linggo.
Una, ito’y tagumpay sa panig ng tropa ng pamahalaan na mapigilan ang plano ng ASG na makakuha ng mga bibihagin sa isa sa mga resorts sa Bohol. Sa katunayan, hindi na nila narating ang resort at naganap na ang bakbakan. Sampu ang patay sa panig ng ASG kasama na ang sub-commander na si Muamas Askali alias Abu Rami.
Hindi matatawaran ang ginawa ng tropa ng pamahalaan sa pangunguna ng Central Command ng Armed Forces. Ipinakita nila ang kanilang kakayanan para pogilan ang isang malaking banta na maaaring maglagay sa bansa sa matinding kahihiyan lalo na kung nakakuha ang grupo ng panibagong dayuhang bihag.
Ikalawa, tagumpay ito sa panig ng mga residente ng Inabanga na siyang naging susi para matukoy agad kung nasaan ang grupo ni Askali na namonitor na nakalabas ng Sulu ngunit walang impormasyon kung saan patungo, maliban sa sakay ito ng dalawang bangka o kumpit na may dobleng motor na kayang maglakbay ng malayo.
Ikatlo, tagumpay rin ito ng ginawang pagtutulungan sa pagbabahagi ng intelligence information ng Estados Unidos at Australia na magkasunod na naglabas ng travel advisory na nagbababala sa kanilang mga mamamayan na maglakbay sa Central Visayas. Partikular na tinukoy ang Cebu at Bohol na posibleng lugar na aatakihin ng grupong terorista.
Walang pag-amin sa publiko na nagkaroon ng sharing of intelligence information pero may pag-aakala dahil agad na nakakilos ang militar at maging ang Philippine National Police sa Region 7.
Ang ginawang travel advisory ng US at Australia, kung susuriin ay lantad na pagbibigay ng “real time intelligence information”, lalo kung ang pagbabatayan ay ang araw na namataan na umalis ng Sulu ang tropa ng sub-leader na si Askali.
Tagumpay rin ito ng pamahalaang panlalawigan ng Bohol na mabilis na kumilos para mailikas ang mga residente sa lugar na dinaungan ng ASG. Kung hindi ito ginawa, mas marami tiyak ang namatay sa bahagi ng mga sibilyan.
Maraming tagumpay ang nangyaring engkuwentro sa Bohol laban sa ASG at kapuri-puri ang kabayanihan at katapangang ipinakita ng puwersa ng pamahalaan.
Ngunit hindi ba ang sabi sa Art of War, “Know Thy Enemy”. Kailangan kilala ang kalaban. At kung ito ang titingnang punto ng puwersa ng pamahalaan, alam nila na sa punto de bista ng tulad ng napatay na si Askali, bagaman hindi na niya nasabi, ito ay tagumpay rin ng kanilang grupo.
Hindi ba’t kamatayan ang kanilang hanap? Tagumpay rin ito sa punto de bista ng kanyang mga kasama dahil naipakita nilang maaari silang magpunta kahit saan, sa laban sa kanilang “comfort zone” – Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, at Central Mindanao.
Sabagay, nagawa na nila ito noon dahil nakaabot na sila ng Palawan noong 2001 at sa Sipadan sa Malaysia noong taong 2000.
Itinuturing na malaking tagumpay sa pagsugpo sa terorismo ang pagkamatay ni Askali na isang sub-commander. Tama rito ang AFP na bagaman sub-commander lamang si Askali, ititunuturing pa rin siyang isa sa itinuturing na pinakamasigasig sa pagpapatupad ng mga misyon ng ASG, samakatuwid isang kawalan.
Si Askali ay nasa ilalim ng direktang kontrol ng isang mas senior commander ng ASG na si Hatib Sawadjaan na mula sa Tawi-Tawi ngunit isang Tausug.
Sa tingin ko, nasaktan nang todo ang ASG sa pagkamatay ni Askali, dahilan kung bakit mismong si Sawadjaan, batay sa mga ulat na nakalap ng militar, ang siyang pumugot sa Pilipinong si Noel Besconde, kapitan ng F/B Remona na dinukot mula sa Celebes Sea noong Disyembre. Naniniwala akong ganti ito sa pagkamatay ni Askali.
Mahalagang manatiling mapagmatyag ang pamahalaan dahil posibleng panligaw lamang ang nangyari sa Bohol, at may iba pala silang pakay bukod sa paghahasik terorismo kundi maipahiya ang pamahalaan.
Batay na rin sa ulat sa militar at pulisya, ang ASG ngayon ay may direktang koneksiyon sa ISIS sa pamamagitan ni Isnilon Hapilon na sinasabing Regional Amir ng ISIS sa South East Asia.
Ang pagpunta ng ASG sa Bohol ay maaaring bahagi ng pagpapatibay ng sinasabing bagong papel ni Hapilon kasama ang ASG, na maaaring ayon sa dikta o utos ng ISIS.
Pakinggan nila mismo si Pangulong Duterte na makailang beses nang nagsabi na maliban sa problema ng ilegal na droga, ang banta ng terorismo na may impluwensiya ng grupong ISIS ang isa sa pinakamabigat na problema ng pamahalaan ngayon.
Hagip ng pangulo, basang-basa niya ang mga problemang kagyat na dapat pagtuunan ng pansin.