MAINIT na muli ang panahon dahil summer season na kaya uso na naman ang mga sakit o karamdaman bunga ng sobrang init. Kabilang na rito ang heat stroke na isa sa mga sakit/karamdaman tuwing tag-init na maituturing na pinakamapa-nganib at dapat bantayan.
Narito ang ilang impormasyon na dapat mong malaman tungkol sa heat stroke at kung paano mo ito maiiwasan.
Ano ang Heat Stroke?
Ang heat stroke o sun stroke ay isang seryosong uri ng sakit sa init at kinukunsidera itong medical emergency dahil maaari itong makamatay o magdulot ng matinding pinsala sa utak at iba pang laman loob ng katawan.
Nangyayari ito kapag ang temperatura ng katawan ay umaakyat sa mahigit 40.6 °Celsius (105.1 °Fahrenheit). Bagamat ang heat stroke ay madalas nakakaapekto sa mga may edad na 50 anyos pataas hindi rin nakakalusot dito ang mga malusog at batang atleta, maliliit na bata at maging matataba o overweight na tao.
Mga sanhi ng Heat Stroke
Ang heat stroke ay nangyayari bunga ng mga sumusunod:
Pamamalagi sa mainit na lugar o kapaligiran. Ang pananatili sa isang lugar na sobrang mainit at maalinsangan ang panahon ay nagiging dahilan para umangat ang temperatura ng katawan.
Walang-tigil na aktibidad. Ang pag-ehersiyo at pagtatatrabaho sa mainit na panahon ay nagdudulot ng heat stroke lalo na kung ikaw ay hindi sanay sa mainit na temperatura.
Ang pagsusuot ng maraming damit sa katawan na pumipigil sa pawis na madaling matuyo at magpalamig sa katawan.
Ang pag-inom ng alkohol o kape na nakakaapekto sa abilidad ng katawan na maayos ang temperatura nito.
Dehydration. Ang matuyuan o mawalan ng tubig sa katawan bunga ng hindi pag-inom ng sapat na tubig para mapalitan ang likidong nawawala bunga ng pagpapawis ay nagiging dahilan para maapektuhan ng heat stroke.
Maligalig na electrolyte (dagilusaw). Ang kawalan o kakulangan ng sodium, potassium, calcium at magnesium sa katawan ay nagiging sanhi para tamaan ng heat stroke.
Problema o pinsala sa sweat gland na maaaring naroon na nang ikaw ay ipanganak (congenital).
Mga gamot tulad ng diuretics at antihistamines ay nakakadagdag ng peligro sa heat stroke.
Ang pagkakaroon sakit sa puso at diabetes ay nagdudulot din ng panganib sa heat stroke.
Ang sobrang pagsusuka o diarrhea ay nagiging daan para madaling atakihin ng heat stroke.
Mga Sintomas ng Heat Stroke
Ang pangunahing sintomas ng heat stroke ay ang pag-akyat ng temperatura ng katawan sa mahigit 40°Celsius (104° Fahrenheit). Subalit ang unang senyales nito ay ang pagkahimatay. Meron din itong sintomas na halos katulad ng atake sa puso o iba pang kondisyon na nararanasan ng katawan. Kadalasan naman ay nakakaramdam ang isang tao ng panlalata bunga ng sobrang init na nagiging heat stroke.
Ang iba pang sintomas nito ay:
Pumipintig na sakit sa ulo
Pagkahilo at panghihina
Kawalan ng pawis kahit na mainit
Mapula, mainit at tuyong balat
Panghihina ng kalamnan o pamumulikat
Pagkahilo at pagsusuka
Mabilis na pagtibok ng puso na maaaring malakas o mahina
Mabilis at mababaw na paghinga
Pagbabago sa ugali tulad ng pagkalito o pagsuray-suray
Kumbulsiyon
Kawalan ng malay
Halusinasyon
Paano maiiwasan ang Heat Stroke
Ang heat stroke ay maaaring mahulaan at maiwasan kaya narito ang ilang paraan para makaiwas sa mainit na panahon.
- Magsuot ng maluwag at magaan na damit. Ang pagsuot ng sobra o masisikip na damit ay nagiging sanhi para hindi makapagpalamig o maging presko ang katawan ng tama.
- Protektahan ang sarili laban sa sunburn. Ang sunburn ay nakakaapekto sa abilidad ng katawan na magpalamig kaya protektahan ang sarili kapag nasa labas gamit ang payong, malapad na sumbrero at sunglasses. Gumamit din ng sunscreen na may sun protection factor (SPF) na 15 o higit pa. Magpahid ng sunscreen ng mabuti at ulitin ito kada dalawang oras o higit pa lalo na kung kayo ay magsi-swimming o pinagpapawisan.
- Uminom ng maraming tubig o likido para makaiwas sa dehydration. Ang pagkakaroon ng likido o tubig sa katawan ay nakakatulong para magpawis at mapanatili ang normal na temperatura nito kaya uminom ng maraming tubig. Para makaiwas sa dehydration, inirerekomendang uminom ng walong baso ng tubig, fruit juice at ve-getable juice kada araw. Maaari ring uminom ng electrolye-rich sports drink o beverage kapalit ng tubig lalo na kung sumasabak sa isang sports activity.
- Iwasan ang pag-inom ng alkohol at kape pati na rin softdrinks at tsaa kapag mainit ang panahon dahil nagiging sanhi ito dehydration.
- Maging maingat sa paggamit ng ilang gamot. Bantayan ang anumang problema sa init kung iinom ng gamot (tulad ng diuretics at antihistamines) na makakaapekto sa kakayahan ng katawan na magpanatili ng tubig at magpawi ng init.
- Maghinay-hinay sa mga aktibidad sa pinakamainit na parte ng araw. Kung hindi maiiwasan ang matinding aktibidad sa mainit na panahon, uminom ng maraming likido at magpahinga sa malamig na lugar. Subukan din na maiskedyul ang pag-ehersisyo o ang pisikal na pagtatrabaho sa malamig na parte ng araw tulad sa kaagahan ng umaga o kaya sa gabi.
- Masanay sa pagbabago ng klima o panahon. Limitahan ang oras na inilalagi sa pagtatrabaho o pag-eehersisyo sa init hanggang makondisyon dito. Ang mga tao na hindi sanay sa mainit na panahon ay mas madaling tamaan ng sakit mula sa init. Aabutin din ng ilang linggo bago masanay ang iyong katawan sa mainit na panahon.
- Maging maingat lalo na kung mataas ang peligro sa heat stroke. Kung umiinom ng gamot o may kondisyon na mataas ang peligro mula sa mga problema sa init, iwasan mainitan at agad aksyunan ang anumang sintomas kapag nakakaramdam ng sobrang init. Kung kalahok sa isang palaro o akitibidad sa mainit na panahon, siguraduhin na may serbisyong medikal na nakahanda kung may kaso ng heat emergency.
- Huwag iwanan ang sinuman sa loob ng nakaparadang sasakyan. Ito kasi ang karaniwang sanhi ng kamatayan mula sa init ng mga bata. Kapag nakaparada sa araw, ang temperatura sa loob ng sasakyan ay umaakyat ng mahigit 6.7 C (20 degrees F) sa loob ng 10 minuto.
Kaya hindi ligtas na iwan ang isang tao sa nakaparadang sasakyan sa maalinsangan o mainit na panahon kahit bukas ang bintana o hindi naarawan. Kapag nakaparada ang sasakyan siguraduhin ding sarado ito para maiwasan ang bata na makapasok dito. - Tingnan ang kulay ng iyong ihi. Kung nangingitim ang iyong ihi senyales na ito ng dehydration. Siguraduhing uminom ng maraming likido para mapanatili ang malinaw na kulay ng ihi.
- Sukatin ang timbang bago at matapos ang isang pisikal na aktibidad. Ang pagsubaybay sa nawalang tubig sa katawan matapos itong sukatin o timbangin ay makakatulong para mabatid kung gaano kara-ming tubig o likido ang kailangan mong inumin.
Mga dapat gawin kapag may tinamaan ng Heat Stroke
Ang heat stroke ay isang emergency situation kaya tumawag agad ng tulong medikal.
Habang naghihintay ng tulong medikal, ilipat ang pasyente sa lugar na malilim o sa kuwarto na may air conditioning.
Iangat ang mga paa ng pasyente at paluwagin o alisin ang damit nito. Punasan ang pasyente ng malamig na tubig o paliguan ito ng malamig. Bigyan ang pasyente ng malamig na tubig kapag ito ay nagising o nagkamalay at nakakainom ng normal.
Ang propesyunal na paggamot sa tao na tinamaan ng heat stroke ay kinabibilangan ng kontrolado at dahan-dahan na pagpapalamig ng pasyente, pagpapalit ng likido o electrolyte (oral o intravenous) at pagpapainom ng sedatibo o pampakalma para makontrol ang kombulsyon kung mayroon nito.