Di bababa sa 16 katao ang nasawi at apat pa ang nawawala sa magkakaibang insidenteng naganap nitong Semana Santa sa Calabarzon, ayon sa mga otoridad.
Lahat ng mga nasawi ay pawang mga nalunod. Kabilang sa mga ito ang anim na nalunod nang tumaob ang isang “overloaded” na bangka sa Laguna Lake, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Calabarzon.
Nakilala ang anim bilang sina Jonalyn Procopio, 43; Lester Kent Desoloc, 19; Eleazar Manalo, 23; Jenard Pailan, 15; Joan Resureccion, 18; at Maria Jolyn Quinola, 17.
Ang mga nabanggit ay kabilang sa 15 kataong sakay ng bangka na tumaob sa bahagi ng lawa na malapit sa Brgy. Lingga, Pila, noong Huwebes Santo, ayon sa OCD.
Nakaligtas ang siyam na iba pang sakay ng bangka.
Bukod dito, may isa ring nalunod at apat na nawawala matapos tumaob ang isa pang bangka sa bahagi ng dagat na malapit sa San Francisco, Quezon, noon ding Biyernes Santo.
Patungo sana ang mga sakay ng bangka sa Sombrero Island ng San Pascual, Masbate, para mag-swimming, nang ang kanilang sasakya’y itaob ng malalaking alon sa bahagi ng dagat na sakop ng Brgy. Pagsangahan, sabi ni Insp. Randy Buenaventura, hepe ng San Francisco Police.
Nalunod si Junrex Dilao, habang naligtas sina Norafe Mingoy, Jayvenz Adrian Heyrana, Jallenz Andrey Heyrana, at Nenifer Lim.
Nawawala at patuloy pang hinahanap sina Abraham Heyrana, Sharona Heyrana, Feron Chester Cuezon,at Ferry Cheron Cuezon, sabi ni Buenaventura nang kapanayamin sa telepono.
Ang anim na iba pang nasawi ay nalunod habang nagsi-swimming sa mga resort sa Lemery, Calatagan, at Balete, Batangas; at sa mga bayan ng Unisan at Catanauan, Quezon, mula Huwebes Santo hanggang Biyernes Santo, ayon sa OCD.
Di pa kasama sa tala ng OCD ang lalaki, na ayon sa pulisya’y, nalunod sa dalampasigan ng Brgy. Wawa, Nasugbu, Biyernes ng gabi.
May dalawa ring naiulat na nalunod sa lalawigan ng Cavite nitong Biyernes Santo, ayon sa pulisya.
MOST READ
LATEST STORIES