SERYOSONG-SERYOSO na ang Kapuso actor na si Mark Herras sa relasyon nila ni Winwyn Marquez – at nais na raw niyang burahin ang kanyang playboy image sa publiko.
Aminado ang binata na mula nang pasukin niya ang showbiz ay talagang nakadikit na sa pangalan niya ang pagiging babaero dahil na rin sa dami ng kanyang nakarelasyon in the past.
“That’s the old Mark Herras. Kaya ‘yun ang gusto ko na pong burahin. I want to have a new image para naman hindi nakakahiya sa anak ko at sa mga magiging anak ko pa in the future,” pahayag ni Mark sa presscon ng bagong kabit serye ng GMA na D’ Originals.
Dalawang taon na raw ang relasyon nila ni Winwyn at umaasa siya at lagi niyang ipinagdarasal na sana’y ang dalaga na nga ang huling babae sa buhay niya, “Si Wyn ang masasabi kong isa sa mga taong nagpabago sa akin. Kahit na ilang beses na niya akong ni-reject noon, nakita naman niya ang pagiging seryoso ko.
“Siyempre, unang nagpabago sa akin talaga ay ang anak kong si Ada. Noong dumating si Ada sa buhay ko, doon ko na na-realize na marami akong taon na sinayang sa buhay ko.
“Sa age ko ngayon (30 na), dapat tapos na ako sa mga hindi magagandang ginagawa ko. Tatay na ako, e,” aniya pa.
Iwas na iwas na rin daw siya sa mga tukso, “Seryoso na ako sa babaeng mahal ko ngayon, madali naman palang umiwas sa tukso. To be honest, meron pa ring mga umaaligid sa tabi-tabi na tukso, pero hindi na ako pumapatol.”