Pilipinas delikado sa 12th SEABA Men’s Championship

NANGANGANIB na maputol ang dominasyon ng Pilipinas sa Southeast Asia kung hindi nito seseryosohin ang paghahanda at pagbubuo sa pambansang koponan lalo na sa nalalapit na pagho-host ng bansa na 12th Southeast Asia Basketball Association (SEABA) Championship for Men.

Ito ay matapos iulat mismo ng internasyonal na asosasyon sa basketball na FIBA ang pagkakaroon ng mga karibal na bansa ng Pilipinas sa rehiyon sa pagkuha nito ng mga manlalaro na kabilang sa kanilang lahi tulad ng Thai-American at Euro-Malaysian.

Hindi rin nagpaiwan ang kapwa miyembro sa SEA Games na Singapore, Cambodia, Vietnam, Brunei, Timor Leste, Laos at Indonesia.

Samantala, inumpisahan na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang paghahanda ng national men’s basketball team na Gilas Pilipinas noong Lunes, Abril 11, sa pagsasagawa ng araw-araw na pagsasanay para sa unang yugto ng dadaanan nitong kuwalipikasyon sa hangad na makatuntong sa Olimpiada.

Kabilang sa ensayo at preparasyon ng national team members ang 29th PBA All-Star Weekend na gaganapin sa Cagayan de Oro City sa Abril 26, sa Lucena City sa Abril 28 at Lapu-Lapu City sa Abril 30.

May tatlong magkakaibang lineup ang bubuo para isabak sa Gilas Pilipinas base sa naisin ni head coach Vincent “Chot” Reyes na isa sa magiging basehan sa pagpili ng magiging miyembro ng pambansang koponan at performance ng mga players sa tatlong All-Star games nila laban sa PBA All Stars.

“First of all, the players are playing before their hometown, so they want to perform well, and secondly, it’s going to be the first game of this group, so we expect them to go all-out. Most importantly, this is also going to be the basis of the final lineup for SEABA,” sabi ni Reyes.

Matapos ang isang beses isang linggo na training sa unang tatlong linggo ay gagawin ng training pool ang dribble-drive offense. Hanggang Miyerkules, Abril 12, na lang ang ensayo ng pool at magkakaroon ng break sa Huwebes Santo at sa Biyernes Santo.

Maliban sa kanilang paglalaro sa All-Star Game ay magiging basehan din ang players attendance sa team practices para sa final lineup selection.

“That’s why we’re asking the guys (who are) having trouble coming in or participating. We want to find out if they are serious, or they really want to play,” sabi pa ni Reyes. “Attendance will really matter a lot.”

Isasagawa ang SEABA Championship sa Mayo 12-18 na posibleng gawin sa Philsports Arena sa Pasig City o sa Mall of Asia Arena. Ito ay qualifying tournament para sa 29th FIBA Asia Cup Championship for Men 2017 sa Nuhad Nawfal Stadium sa Zouk Mikael, Lebanon sa Agosto 10-20.

Read more...