Ateneo, isang matapobreng eskuwela

KUNG magtatanggal pa ng ibang miyembro ng Gabinete si Pangulong Digong gaya ng ginawa niya kay Interior Secretary Mike Sueno, dapat isunod niya sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

No, walang ginawang corrupt practice sina Lorenzana at Esperon gaya ng ginawa diumano ni Sueno, pero sila’y mga inutil sa pagpapatakbo ng kanilang mga ahensiya.

Ang kanilang pagiging inutil ay ang hindi nila alam na sasalakayin ang Bohol, isang tourist destination, ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Nang ang column na ito ay sinusulat kahapon, patuloy ang bakbakan sa pagitan ng government troops at Abu Sayyaf sa bayan ng Inabanga, isang coastal town, na nagresulta sa pagkamatay ng ilang sundalo at Abu Sayyaf.

Dapat ay naging alerto sina Esperon at Lorenzana sa travel advisory ng United States at Australia sa kanilang mga mamamayan.

Sinabi ng dalawang bansa na dapat huwag puntahan ng kanilang mga citizens ang Central Visayas, kasama na rito ang Bohol, dahil sa pagbabanta ng Abu Sayyaf.

Dapat nalaman ng ating military intelligence ang balak ng Abu Sayyaf na maghasik ng lagim sa Bohol bago pa man.

Kung ang ating intelligence ay kasing alerto ng mga nasa America at Australia—buti pa sila, magagaling ang intelligence—ang mga Abu Sayyaf ay patay na sana sa mga kumpit na sinakyan nila bago pa man sila makatuntong ng Bohol.

***

Inalis bilang president at CEO ng Philhealth si Dr. Hildegardes “Heal” Dineros, tinaguriang doktor ng mga mahihirap, bago pa man siya makapag-introduce ng mga pagbabago sa medical health insurance agency.

Sinisisi ni Dineros si Health Secretary Paulyn Ubial, na chairman ng Philhealth, sa kanyang pagkakatanggal.

Si Dineros ay ibinoto ng Philhealth board, kung saan siya ay isa mga mga directors, bilang president at CEO.

Sinabi ni Ubial na nagbitiw si Dineros sa tungkulin, nguni’t itinanggi ito ng surgeon ng St. Luke’s Hospital.

Sabi ni Ubial ay hindi raw “team player” si Dineros, pero sinabi ng pinatalsik na president-CEO na ayaw niyang sumama sa katiwalian sa Philhealth kaya’t siya’y itinuring na hindi team player o makasarili.

Nangako si Dineros matapos siyang mahalal bilang president-CEO na tatanggalin niya ang masamang gawain ng maraming doktor na singilin ang ahensiya ng bayad sa serbisyo sa mga pasyenteng hindi naman nila ginamot.

Ang masamang gawaing ito, aniya, ay nagresulta ng pagkalugi ng bilyon-bilyong piso ng Philhealth sa nagdaang mga taon.

Si Ubial ay dalawang beses nang ibinaypas ng Commission on Appointments at maaaring di na siya i-reappoint ng Pangulo.

May mga isyu laban sa kanya tungkol sa corruption noong siya’y assistant health secretary pa.

***

Ayaw tanggapin ng Ateneo de Manila University high school department si Queency A. Carrasco, 15 anyos, sa senior high school dahil siya’y anak ng mahirap.

Si Queency, na anak ng isang labandera, ay nagtapos sa junior high school ng Rizal Science High School na may general average grade na 96%.

Inamin niya na sa kanyang application for admission na siya’y anak ng labandera at single mom.

Kahit na anong pakiusap ng inyong lingkod na ako ang magpapaaral kay Queency sa pamamagitan ng aking Ramon Tulfo, Good Samaritan, Foundation, hindi ako pinakinggan ng Ateneo.

Ginarantiyahan ng aking foundation, na nagsusuporta sa pag-aaral ng mga batang lubhang matalino, ang gastusin ni Queency sa pag-aaral kasama na ang kanyang tuition, mga libro, pamasahe at baon.

Ang akala ko ay pakikinggan ako ng Ateneo dahil ako’y naging estudyante rin ng Ateneo—sa Davao City at Cagayan de Oro City—pero nagkamali ako.

Talagang mga elitista itong mga Jesuits.

Read more...