Kabilang si Abu Sayyaf sub-commander Muamar Askali sa mga napatay sa ilang oras na sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at armadong grupo sa Inabanga, Bohol, sabi ni Armed Forces chief Gen. Eduardo Año Miyerkules.
“Yes, si Abu Rami (ang napatay),” sabi ni Año sa isang text message Miyerkules ng umaga, gamit ang kilalang alyas ni Askali.
Maituturing na malaking dagok sa Abu Sayyaf ang pagkamatay ni Askali, dahil sa kinalaman niya sa ilang “high-profile” kidnapping, na pangunahing pinagkakakitaan ng grupo, anang military chief.
“Abu Rami is a very notorious Abu Sayyaf leader who even acted as their spokesman before. He was involved in controversial and famous kidnapping incidents like the kidnapping in Samal, the kidnapping of a Canadian, and the German kidnap victims,” sabi ni Año sa mga reporter nang kapanayamin sa telepono.
Matatandaang marami sa mga pagdukot na ibinibintang kay Askali ay isinagawa sa iba-ibang bahagi ng bansa, ilan ay sa dagat pa ng Malaysia, pero lahat ay nagtapos sa kuta ng Abu Sayyaf sa Sulu.
Ngayon ay “target” naman ni Askali at kanyang mga tauhan ang mga turista sa Bohol, pero napigilan ang plano, ani Año.
‘Sikat’ na Abu leader
Dahil sa pagiging aktibo sa pagdukot o paghawak sa mga kidnap victim na ipinasa sa kanya, itinuturing si Askali na “up-and-coming leader” ng Abu Sayyaf at, posible pang pumalit sa puwesto ng tumatanda nang top commander na si Radullan Sahiron, ani Año.
“Maybe we can attribute a lot of atrocities to Abu Rami, in fact he is being eyed as one of the future leaders of ASG that can be affiliated with ISIS,” anang military chief.
Ayon kay Año, bago pa man ang sagupaan noong Martes sa Bohol ay mino-monitor na ng mga tropa ng pamahalaan si Askali at kanyang mga tagasunod sa Sulu.
Huling namataan ang grupo sa Indanan, Sulu, noong Abril 6 at 7, bago naispatan ng mga residente’t intelligence personnel ang 11 armadong naka-bangka sa Inabanga, Bohol, noong Abril 10, aniya.
Sinabi rin ni Año na tapos na ang “siege” sa Inabanga, pero tuloy ang pagtugis sa mga natitirang tauhan ni Askali, na di na umano itinuturing na banta.
Ligtas pa rin ang Bohol para sa mga turista, dahil malayo sa mga kilalang bakasyunan ang lugar na napasok ng Abu Sayyaf, anang military chief.
Elite units kinalat
Ayon kay Año, nagsasagawa ngayon ng clearing at mopping up operation sa Inabanga at mga kalapit na lugar ang mga miyembro ng elite unit ng AFP na Joint Special Operations Group (JSOG).
Nakumpirma sa anunsyong ito ang unang impormasyon na ilang miyembro ng JSOG, partikular na ng Army Light Reaction Regiment at Naval Special Operations Group, ang inilipad mula Maynila patungong Bohol Martes ng Hapon para lumaban sa Abu Sayyaf.
Nagpadala rin sa Bohol ng ilang miyembro ng Special Action Force, na elite unit naman ng PNP.
5 bandido, contact tugis
“There are still five of them that we are tracking,” sabi ni Año, patukoy sa mga natitirang tauhan ni Askali.
Bukod sa mga natitirang Abu Sayyaf, hinahanap din ng mga tropa ng pamahalaan ang isang lokal na residente na maaring kumanlong sa mga bandido sa Bohol.
“Walang nauna doon pero meron silang local contact na Balik-Islam,” ani Año.
May isinasagawa ring imbestigasyon para malaman kung anong naging papel ng lokal na residente sa pagpasok ng Abu Sayyaf sa Bohol.
“We are conducting an investigaiton right now so we cannot divulge the identity, but he is from the local community… he is not under custody, tumakas na rin during the siege,” ani Año.
10 patay
Una dito, inanunsyo ng militar na anim na ang napatay sa mga kasapi ng Abu Sayyaf na pumasok sa Inabanga, habang nananatili sa apat ang nasawi sa mga tropa ng pamahalaan.
Natagpuan ang ikaanim na napatay na bandido Miyerkules ng umaga, habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga kawal sa Sitio Ylaya, Brgy. Napo, sabi ni Capt. Jojo Mascariñas, civil-military operations officer ng Army 302nd Brigade.
“Siguro noong gabi ito napatay,” sabi ni Mascariñas nang kapanayamin sa telepono.
Matatandaang sumiklab ang bakbakan sa Brgy. Napo alas-5 ng umaga Martes, habang bineberipika ng mga sundalo’t pulis ang napaulat na presensya ng mga armado sa ilog doon.
Tumagal nang ilang oras ang bakbakan at binagsakan ng bomba ng militar ang lugar noong hapon para mabulabog ang mga bandidong nang-okupa sa tatlong bahay.
Nagkaroon din ng manaka-nakang palitan ng putok hanggang gabi, habang ginagapang ng mga kawal ang puwesto ng mga armado, ani Mascariñas.
Naibaba lang ng mga kawal ang mga labi ng tatlong sundalo’t isang pulis na nasawi, Martes ng gabi at Miyerkules ng umaga, aniya.
Nagpaabot na ng pakikiramay si Año sa pamilya ng mga nasawi, na sina 2Lt. Estilito Saldua Jr., Cpl. Miljune Cajaban, Sgt. John Dexter Duero, at PO2 Rey Anthony Nazareno.
MOST READ
LATEST STORIES