HUWEBES Santo na. Nakatutuwang malaman na may mga personalidad pa ring sumusunod sa kulturang Pinoy kapag dumarating ang Semana Santa.
Kung ang ibang mga artista ay nasa malalayong lugar na para regaluhan naman ng bakasyon ang pagod na pagod nilang katawan sa katatrabaho, kung ang mga may kapasidad na gumastos ay nasa ibang bansa na, ay meron pa ring mga artistang tumutupad sa kanilang panata.
Bahagi na ng ating kultura ang Pabasa kapag dumarating ang Mahal Na Araw. Isa ang Philippine Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa mga sikat na artistang hindi nakalilimot sa nakasanayan na niya.
Lunes Santo pa lang ay meron na siyang Pabasa sa kanyang bahay, bukod du’n ay may mga institusyon din siyang sinusuportahan, maraming magagandang bagay na ginagawa ang komedyana na hindi na niya ipinaaalam pa sa publiko.
Ang ginawa lang niya para kay Jiro Manio ay kapuri-puri na, hindi niya ito binitiwan hanggang sa pinakahuling sandali, kaya naman walang humpay ang pasasalamat sa kanya ng batang aktor at ng pamilya nito.
Palagi rin silang may komunikasyon ni Arnell Ignacio na may posisyon ngayon sa PAGCOR, may mga humihingi kasi ng tulong sa TV host na nangangailangan nang mabilisang pagtugon, si Ai Ai ang madalas nitong lambingan ng suporta.
Sabi ni Arnelli, “Marami kasing tulong na inilalapit sa aming opisina na agaran ang kailangang tugon. E, kung idadaan pa natin sa prosesong kailangan, masyadong matatagalan.
“Emergency ang inilalapit, kaya kami na ni Eileen (ang Comedy Concert Queen) ang nagtutulungan para maibigay ‘yun. Sa tagal na naming magkaibigan, e, sukat na sukat ko na siya.
“Basta pagtulong sa may matinding pangangailangan, hindi pa ako nagdadalawang-salita sa paglapit sa kanya,” papuri ni Arnelli sa kanyang kaibigan.
Sabi nga, ang tulong na ibinibigay natin sa ating kapwa ay sagot sa dasal ng nangangailangan sa Diyos, kaya ang balik nu’n ay sobra-sobra at sobra pa sa inaasahan.
Pero ang katwiran naman ni Ai Ai, “Kapag naibigay ko na ang tulong na nakayanan ko, tapos na sa akin ang kuwento. Basta ang mahalaga, sa mga biyayang tinatanggap ko, nakapag-share ako sa mga mas nangangailangan.
“Huwag lang kaming magkasakit ng mga anak ko, kitang-kita ko na ang pagpapala sa amin ni Lord. Du’n pa lang, alam ko nang hindi Niya kami pinababayaan.”
Napakagandang pananaw.