MARAMI ang nagulat nang sibakin ni Pangulong Duterte si Interior Sec. Ismael Sueno kasunod ng pagbibitiw ni Peter Lavina bilang hepe ng National Irrigation Authority.
Sinundan pa ito ng pagtanggal kay Maia Valdez bilang undersecretary sa ilalim ng tanggapan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco.
Ang pagtanggal sa tatlo ay bunsod ng alegasyon ng korupsyon. Obviously, hindi pa naman napapatunayan sa korte ang alegasyong ito. Wala pang kaso o kahit pormal na reklamo.
Hindi naman kailangang maging guilty para alisin ng Pangulo. Kung wala na siyang tiwala, pwede ka na niyang alisin o kaya pwede ka nang pasabihan na magbitiw na.
Mukhang ayaw ni Duterte na mapulaan ng korupsyon ang kanyang administrasyon kaya naman mabilis ang kanyang aksyon sa mga intriga.
***
Mukhang patuloy ang Biyernes Santo kay 1-Pacman Rep. Mikee Romero. Hindi tuloy nya magampanan ang kanyang trabaho bilang mambabatas at representative ng kanyang partylist.
Nang hindi siya maaresto matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court, humirit na ang kumpanya ng kanyang tatay na magpalabas ng Hold Departure Order.
Marahil ay natatakot sila na umalis ng bansa si Romero lalo at opisyal ito ng AirAsia Philippines.
May tatlong buwan na mula nang ilabas ang warrant of arrest at hindi naman masisisi ang pulisya o ang National Bureau of Investigation kung mahirapan sila na hanapin ang kongresista.
Ang alam na tinutuluyan ni Romero ay sa Greenmeadows Subd., at Oracle Residences sa Katipunan Ave., parehong sa Quezon City.
Kaalyado si Romero ng administrasyon at bahagi siya ng majority bloc sa Kamara de Representantes.
Si Romero kasama ang dalawang iba pa ay kinasuhan ng Harbour Centre Port Terminal Inc., kaugnay ng kinuha umano nilang P3.4 milyon pondo. Kasong qualified theft ang isinampa laban sa kanila.
Kung tutuusin, chicken feed ang P3.4 milyon kay Romero. Kung pwede lang, malamang ay bayaran na lang niya ito. Pero hindi yung ganun kasimple.
Bilyon-bilyon ang net worth ni Romero at siya ang tinitignan na pinakamayamang kongresista ngayong 17th Congress.
***
Kung nanatili na mataas ang net satisfaction rating ni Pangulong Duterte, nanatili sa 63 porsyento gaya noong Disyembre, nalaglag naman ang net rating ni Vice President Leni Robredo ng 11 puntos.
Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Ang inaasahan kasi ng mga miron, bababa ang rating ni Duterte dahil sa dami ng namamatay.
Siyempre, ipinagtatanggol ni Duterte ang kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.
Si Robredo naman ipinagtatanggol ang mga nananawagan ng hustisya. Ang mga biktima ng extra judicial killings.
Marami ang nalilito sa kahulugan ng survey.