Jaclyn may panawagan sa mga ‘legal wife’

JACLYN JOSE

JACLYN JOSE

HINIHIKAYAT ni Jaclyn Jose pati na rin ng iba pang cast ng bagong kabit serye ng GMA na D Originals, ang lahat ng “legal wife” na subaybayan ang kanilang programa na magsisimula na sa April 17, Lunes.

Gagampanan ni Jaclyn dito ang karakter ni Josie, isang ideal housewife sa kanyang mister at mabuting ina sa kanyang mga anak. Ngunit bigla na lang magugunaw ang kanyang mundo nang malamang may kabit pala ang kanyang mister.

Ayon kay Jaclyn, kailangan daw masimulan ng mga misis ang D Originals dahil malaki ang maitutulong nito para mapanatiling maayos at maganda ang samahan ng mag-asawa.

“‘Yung mga misis, ‘yan ang gusto naming imbitahan sa bago naming teleseryeng D’ Originals para makapulot sila ng tips kung paano nagloloko ang mga lalaki ng hindi natin alam, paano natin iwo-work out, paano natin susulusyunan.

“Hindi lang siya basta dramedy, sobrang experimental niya na we’re reaching talaga ‘yung mga misis sa tahanan na naiiwan sa bahay tuwing hapon,” pahayag pa ng Cannes best actress.

Puring-puri rin ni Jaclyn ang iba pa niyang mga kasamahan sa serye tulad nina Katrina Halili, Meg Imperial, LJ Reyes at Kim Domingo.

“‘Yung mga batang ‘to, kakakitaan mo na ng professionalism, disiplina sa pag-arte, sa pakikipagkapwa-tao, professional na masasabi ang lahat ng mga nandito at alam ko na malayo ang mararating,” chika pa ng award-winning actress.

Sa nakaraang presscon ng D Originals, inamin din ni Jaclyn na dalawang beses na siyang nanugod ng kabit.

Ang sexy dramedy na ito ay sa direksyon ni Adolf Alix, Jr, kung saan makakasama rin sina Jestoni Alarcon, Mark Herras, Meg Imperial, Archie Alemania, Lovely Abella, Mikoy Morales, Archie Alemania, Arny Ross, Elyson De Dios at Chlaui Malayao.

Simula na ng harapan ng orig at ng kabit sa seryeng hindi lamang puno ng hugot kundi siksik rin sa katatawanan. Huwag palampasin ang D’ Originals simula April 17 sa GMA Afternoon Prime.

Read more...