INAMIN ni Unkabogable Star Vice Ganda na dumating din ‘yung panahon na inakala niyang pinagsawaan ba siya ng madlang pipol. Sa edad na 41, may mga araw na inaatake pa rin siya ng depresyon at kalungkutan.
“There was a time na I thought people gave up on me. May pagkakataon na akala ko kinasawaan na ako ng mga tao, na ayaw na ako ng tao, hindi na nila ako panonoorin, may iba na silang gusto,” pahayag ni Vice nang mag-celebrate siya ng kanyang 41st birthday sa It’s Showtime last Saturday.
Hirit pa ng TV host-comedian, “Nalungkot talaga ako noon. Sabi ko, ‘Tapos na yata iyong karera ng kabayo. Nagtagumpay pala ang mga nagwi-wish na matapos na ang karera ng kabayo.’
“Pero hindi mas marami pa lang nagdarasal para sa akin. At iyong mga panahon na ako mismo pinagdudahan ko iyong sarili ko na, ‘Ay, wala na atang may gusto sa akin.’ Iyon pala, napalingon lang kayo sa iba pero ako pa rin ang binalikan ng mga mata ninyo kaya maraming salamat po,” emosyonal na pahayag pa ni Vice.
Sabi pa ng gay comedian, okay lang daw sa kanya kung maaga siyang namatay para raw hindi na mahirapan ang kanyang nanay. Ngunit dahil sa tindi ng suporta at pagmamahal ng madlang pipol sa kanya, mas gusto niyang mabuhay pa nang mahabang-mahabang panahon para marami pa siyang mapasaya.
“Lalo na ngayon sa Pilipinas, ang daming dahilan para maging malungkot, gusto ko isa ako sa mga maraming dahilan para pangitiin kayo araw-araw. Gusto kong maging sunshine ng buhay ninyo,” aniya pa.
Samantala, pinasalamatan din ni Vice ang lahat ng taong naging bahagi ng kanyang tagumpay, kabilang na diyan ang stand up comedian na si Hans Mortel na siyang naka-discover sa kanya sa comedy bar.
“Bago ako tulungan ng tuloy-tuloy nina Ogie Diaz, siya ang unang nakakita sa akin sa comedy bar sa Mabini,” sey ni Vice. Naikuwento rin niya ang isang kaibigan na nagpahiram sa kanya ng pera para maipambili ng damit na ginamit niya sa unang pagsalang niya sa comedy bar.
“Nakakatuwa kasi ang daming kong mabubuting kaibigan, I’m so blessed at ang dami ninyong nagmamahal sa akin,” sey pa ng komedyante.