SA nalalapit na pagtatapos ng afternoon series ng GMA na Pinulot Ka Lang Sa Lupa, marami ang nagulat nang natagpuan ng batang nagbebenta ng bulaklak ang tulalang taong grasa na kamukhang-kamukha ni Ephraim (Benjamin Alves). Pareho pa ang damit na suot nito bago pa man maaksidente ang binata habang hinahabol nina Mariz (Ara Mina) at Angeli (LJ Reyes).
Dahil dito, maraming viewers tuloy ang nabuhayan para kay Santina (Julie Anne San Jose) na sobra na ang lungkot mula nang mapabalitang namatay na ang binata. Ayon sa mga ito, umaasa tuloy sila na may happy ending para kila Santina at Ephraim.
Pero agaw pansin ang isang netizen na nagtanong kay Julie Anne sa Twitter kung handa pa rin ba siyang tanggapin ang binata kahit na ganito ang hitsura niya sa totoong buhay—hindi naligo at sobrang dungis.
Sagot ni Julie Anne, “Mahal ko pa rin siya!” na talagang ikinakilig ng kanilang fans! Kaya naman pakatutukan ang nalalapit na pagtatapos ng PKLSL sa GMA Afternoon Prime.