Ateneo Lady Eagles nadagit ang top spot sa Final Four

MULING inokupahan sa ikatlong sunod na taon ng Ateneo de Manila University Lady Eagles ang unang puwesto matapos nitong biguin sa ikalawang sunod na pagkakataon ang nagtatanggol na kampeong De La Salle University Lady Spikers, 12-25, 25-20, 25-21, 25-19, sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Sabado sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Hindi inalintana ng Lady Eagles na malimitahan sa pinakakaunti nitong naisagawang iskor sa isang set sa nakalipas nitong kampanya na 12 puntos lamang upang sungkitin ang huling tatlong set tungo sa pag-okupa sa unang puwesto sa kabuuang 12-2 panalo-talong kartada.

Nalaglag naman ang Lady Spikers sa kabuuang 11-3 panalo-talong kartada para sa ikalawang puwesto na bitbit pa din naman ang dalawang beses tataluning insentibo sa Final Four.

Umahon naman ang season host University of Santo Tomas sa dalawang set na pagkakaiwan upang tighawin ang apat na taong pagkauhaw sa semifinal matapos na tuluyang patalsikin ang National University Lady Bulldogs sa loob ng limang set at itulak sa puwersahang pagbibitiw ang coach na si Roger Gorayeb.

Kinalmot ng Tigresses ang huling tatlong set upang siguruhin ang silya nito sa semifinals matapos pa patalsikin ang  Lady Bulldogs sa pagtakas ng 3-2 panalo, 20-25, 19-25, 25-22, 25-21, 15-12.

Nagtambal sina Cherry Ann Rondina at Ennajie Laure sa pagtala ng tig-22 puntos para sa Tigresses habang nag-ambag ng 11 puntos si Christine Francisco at 10 kay Marivic Meneses upang siguruhin ang solong ikatlong puwesto sa kabuuan nitong itinalang 9-5 panalo-talong kartada.

Ikalawang sunod na taon naman para sa Lady Bulldogs na napatalsik sa labanan na nagtulak kay NU head coach Roger Gorayeb na isineselebra ang kanyang kaarawan na magbitiw sa koponan.

Lahat ng 22 puntos ni Rondina ay mula sa spike habang ipinakita ni Laure ang kalidad sa ibang departamento ng laro sa pagdagdag nito ng tatlong service ace, 19 digs at walong excellent reception.

Samantala, itinala ng Ateneo Blue Eagles ang makasaysayang pagwawalis sa mga laro nito sa eliminasyon sa muling pagpapalasap ng kabiguan sa karibal na NU Bulldogs,  25-17, 25-21, 25-16 sa huling araw ng labanan sa men’s division.

Hindi lamang agad na tumuntong ang Ateneo sa tatlong larong kampeonato bitbit ang dalawang beses na tataluning insentibo kundi itinala pa nito ang kasaysayan bilang unang koponan na nagawang walisin ang lahat ng mga laro sa dalawang ikot na eliminasyon.

“It’s history, pero hindi pa tapos ang laban. We have to reset our goals and we have to go back to start. Iyung 14-0 is now history,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro na nakatuon sa ikatlong sunod na korona ng Blue Eagles.

Matatandaan na itinala ng Blue Eagles ang kabuuang 13-1 record noong Season 78 kung saan tanging nakalasap ito ng kabiguan sa kamay ng Adamson University Falcons bago inuwi ang ikalawng sunod na titulo.

Bagaman nilalagnat ay nagpatuloy pa rin sa pananalasa ang 3-time MVP na si Marck Espejo sa pagtala ng game-high 16 puntos mula sa kanyang 12 spike at 4 block habang nag-ambag din sina Anthony Paul Koyfman at Rex Emmanuel Intal ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Pinutol din ng Blue Eagles ang 11 sunod na pagwawagi ng Bulldogs habang pinataas pa sa kabuuang 28 diretso ang pagwawagi sa torneo sapul pa noong nakaraang taon.

Hihintayin na lamang ng Blue Eagles ang makakalaban sa kampeonato alinman sa Bulldogs, na nahulog sa 12-2 na  kartada at mabibitbit ang dalawang beses na tataluning bentahe sa stepladder semifinals. Una muna magsasagupa ang Far Eastern University at University of Sto. Tomas sa unang yugto ng matira-matibay na stepladder semis.

Agad na pinag-init ng FEU Tamaraws ang nalalapit nitong pakikipagharap sa matira-matibay na daan sa stepladder semifinals sa pagbigo sa UST Tigers, 25-23, 25-18 at 25-18 sa pagtatapos ng eliminasyon.
Napaganda ng FEU ang kabuuang kartada sa 8-6 panalo-talo habang nahulog ang Tigers sa 6-8 record patungo sa kanilang paghaharap sa knock-out semifinals.

Read more...