Huling showdown na sa YFSF Kids; Elha, Sam, AC nangunguna sa laban

ELHA NYMPHA, JUSTIN ALVA, XIA VIGOR, AC BONIFACIO, AWRA BRIGUELA, LYCA GAIRANOD, SHAM SHOAF AT  ALONZO MUHLACH

ELHA NYMPHA, JUSTIN ALVA, XIA VIGOR, AC BONIFACIO, AWRA BRIGUELA, LYCA GAIRANOD, SAM SHOAF AT ALONZO MUHLACH

SASALANG na sa kanilang huling transformation at huling banggaan ang walong celebrity kid performers ng top-rating program na Your Face Sounds Familiar Kids sa kanilang pagtutuos para maging kauna-unahang grand winner ngayong Sabado at Linggo (April 8 at 9) sa Resorts World Manila.

Tutuloy nga sina Awra Briguela, Elha Nympha, Xia Vigor, Justin Alva, AC Bonifacio, Lyca Gairanod, Alonzo Muhlach at Sam Shoaf sa gaganaping grand showdown at sabay-sabay na pahahangain ang mga manonood sa huli nilang transformations.

Puno ng sorpresa ang pagtatapos ng YFSF Kids dahil sa unang pagkakataon, ang kiddie performers ang pipili ng kanilang gagayahing music icons.

Bukod pa riyan, 50% ng kanilang magiging total scores ay magmumula sa text votes at ang natitirang 50% ay mula naman sa naipon nilang stars mula sa jury.

Ang makakakuha ng pinakamataas na pinagsamang scores ang hihiranging grand champion na mag-uuwi ng P1 million, house and lot, at Asian tour package.

Nangunguna sa score board si Elha na mayroong 229 stars na ilang linggong naging weekly winner, pumapangalawa naman si Sam na may 214 stars at ikatlo sa ranking si AC na may 212 stars.

May tig-iisang panalo naman sina Awra (208 stars), Justin (204 stars), Xia (192 stars), Alonzo (184 stars), at Lyca (183 stars).

Para naman suportahan ang paboritong performer, i-text lang ang YFSF(space)PANGALAN NG PERFORMER at i-send ito sa 2366 pagkatapos ng lahat ng performances nilang walo. Isang boto lang ang maaaring ipadala ng isang SIM card.

Bukod sa bonggang performances ng walong celebrity kids, kaabang-abang din ang gagawing production number ng mga jurors kasama ang kani-kanilang anak. Makakasama nina Ogie Alcasid, Gary Valenciano at Sharon Cuneta sa iisang entablado ang kanilang mga anak na sina Leila, Kiana at Frankie.

May handog ding kilig number sa mga Ka-Familiar ang “Can’t Help Falling In Love” stars na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Sa loob ng 13 weeks, kinagiliwan at tinutukan ang YFSF Kids dahil sa cute at nakaaaliw na transformations ng celebrity kids. Isa rin ito sa mga pinakapinapanood na palabas sa buong bansa at nakakuha ng all-time high national TV rating na 39.4%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Sino-sino kaya ang music icons na gagayahin ng performers? At sino sa kanila ang tatanghaling grand winner?

Huwag palampasin ang Your Face Sounds Familiar Kids: The Grand Showdown tonight at bukas sa ABS lang.

Read more...