JOINT custody ang hiling ni Jake Ejercito sa ihinain niyang petisyon para sa kanilang anak ni Andi Eigenmann na si Ellie. Gustong gawing legal ng binatang-ama ang pagkakaroon niya ng pagkakataong makasama ang kanyang anak.
Kapag korte na kasi ang nagbigay ng basbas ay wala nang maidadahilan pa si Andi, kailangan nitong sumunod sa ipinag-uutos ng husgado, wala nang magiging argumento sa pagitan nila ni Jake.
Sa maraming pagkakataon, ayon sa petisyong ihinain ni Jake, ay gustung-gusto niyang makasama si Ellie kapag umuuwi siya mula sa pag-aaral sa Singapore pero hindi ‘yun pinahihintulutan ni Andi.
Susunduin na lang niya o ng kanyang driver ang bata, pero biglang magbabago ang isip ni Andi, hindi na nito pinapayagang makasama ni Jake ang bata.
Sa paulit-ulit na sitwasyong ganu’n ay napuno na ang anak ni dating Pangulong Joseph Estrada kay Laarni Enriquez, kailangan na niyang humingi ng tulong sa korte, kaya naghain na siya ng petisyon.
Para rin naman kay Ellie ang hangad ni Jake, ang lumaki itong may father figure, ang makasama ang kanyang anak kapag pinagkakalooban siya nang sapat na panahon.
Minsan ay sinabi ni Andi na makapangyarihan daw ang pamilya ni Jake, kaya raw niyang gawin ang kahit ano nang wala itong kalaban-laban, hintayin na lang natin kung pagbibigyan ng husgado ang mga hiling ni Jake Ejercito.