Do-or-die PBA D-League Aspirants’ Cup Finals game ngayon

Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
4 p.m. Racal vs Cignal-San Beda
(Game 3, best-of-3 Finals)

PAGTATALUNAN ng Cignal-San Beda Hawkeyes at Racal Tile Masters ang korona ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa do-or-die Game 3 ng kanilang best-of-three championship series ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Umabot sa sukdulan ang Finals series ng dalawang koponan na hangad ang kanilang kauna-unahang titulo sa unang pagsalang sa liga matapos magwagi ang Tile Masters sa Game 2, 100-90.

Para kay six-time PBA D-League champion coach at Hawkeyes mentor Boyet Fernandez alam niya na ang isang winner-take-all na laro ay hindi sasandal sa coaching kundi sa hangarin ng mga manlalaro na magwagi.

“Do-or-die affairs are all about the players. We just have to prepare our players and let them play. It’s no longer about the X and O’s. Who really wants the championship will win,” sabi ni Fernandez.

Sumang-ayon naman dito si Tile Masters coach Jerry Codiñera bagamat pinaalalahanan niya ang kanyang mga manlalaro na manatiling nakatutok sa kanilang pakay ngayong kumperensiya.

“It’s the same, we’d like to keep things simple. We’re happy na naka-equalize kami, but we’ll continue to adjust and give our best,” sabi ni Codiñera.

Tinalo ng Cignal ang Racal sa Game 1, 93-85, bago nakabangon sa Game 2 ang Tile Masters kung saan nagawa nitong pigilan ang isinagawang ratsada ng Hawkeyes sa second half.

Ramdam ng mga manlalaro ang bigat ng laban at inaasahan na sasandalan muli ng Cignal sina Conference Most Valuable Player Robert Bolick, Jason Perkins at Pamboy Raymundo habang sasandig ang Racal kina Rey Nambatac, Jackson Corpuz at Kent Salado.

Read more...