FEU pinatalsik ang UP sa UAAP women’s volleyball

Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
8 a.m. NU vs Ateneo (men)
10 a.m. FEU vs UST (men)
2 p.m. UST vs NU (women)
4 p.m. Ateneo vs DLSU (women)

PINATALSIK ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang University of the Philippines Lady Maroons matapos manaig sa tatlong set, 25-16, 25-16, 27-25, sa tampok na laro sa eliminasyon ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament Miyerkules sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Hindi hinayaan ng Lady Tamaraws na makabalikwas ang Lady Maroons mula sa dalawang set na pagkakaiwan matapos itong umahon sa 15-17 na paghahabol sa ikatlong set at itala ang 21-19 abante bago nakipagpalitan sa tatlong set point tungo sa paghugot sa pinal na iskor na 27-25.

Dahil sa panalo ay naiangat ng Lady Tamaraws ang kartada nito sa kabuuang 8-6 panalo-talo
upang lumapag sa ikaapat na puwesto kasunod ng kasalukuyang nasa ikatlong puwesto na season host University of Santo Tomas Tigresses.

Nasiguro rin ng Lady Tamaraws ang silya sa posibleng magkaroon ng tatlong koponang pagtatabla para sa ikatlo at ikaapat na puwesto kung magwawagi ang National University Lady Bulldogs kontra sa UST Tigresses sa huling labanan ng eliminasyon ngayong Sabado.

Samantala, tuluyang pinutol ng Adamson University Lady Falcons ang 20 sunod nitong kabiguan matapos na iuwi ang una nitong panalo kontra University of the East Lady Warriors, 25-15, 25-19, 25-15.

Walang paglagyan ng katuwaan ang bagito na Amerikanong Adamson coach na si Airess Padda matapos iuwi ang kanyang pinakaunang panalo sa liga sa pinakahuling laro ng Lady Falcons sa ika-79 edisyon ng torneo.

Nasungkit naman ng Adamson Falcons ang ikatlong sunod nitong panalo sa pagtala ng apat na set na pagwawagi kontra UP Maroons, 21-25, 25-21, 25-17, 25-14.

Ang pagkatalo ng UP ay nagsara rin sa tsansa nitong makatuntong sa semifinals.

Ito ang unang pagkakataon na hindi nakausad ang Falcons sa semifinals matapos ang anim na taon.

Read more...