Colon cancer: Sakit na ‘di malayo sa bituka (2)

bandera-5 0404

Colon cleansing, sinungaling

Ang colon cleansing o pwede ring tawagin na colon hydrotheraphy ay pamamaraan kung saan gumagamit ng tubo na ipapasok sa puwet patungo sa malaking bituka upang magturok ng galon ng tubig na kung minsan ay hinahaluan pa ng herbs at ibang uri ng likido gamit ang espesyal na aparato.
Sa paniniwala ng nakararami, solusyon ito para matanggal ang dumi o mga nakalalasong toxins sa katawan.

Subalit mariing pinabulaanan ni Dra.Judith Gapasin Tongco, isang gastroenterologist at opisyal ng PSG, na mali at hindi ligtas ang paniniwalang ito.

“Pag nag-colon cleanse ka kasi parang nililinis mo yung bituka so inaalis mo yung dumi. That’s okay, kaya lang ang problema ang colon natin, also studied, punumpuno rin yan ng good bacteria which helps our immune system, nagpo-produce din siya ng certain nutrients na kailangan natin. ‘Di naman mamimili yun kung ang tinanggal mo good or bad bacteria, di naman nya masesense yun so inalis mo lahat. Si good bacteria na that is there for a purpose tinanggal mo so there’s a consequence.”

“The act itself of inserting an instrument sa bituka na blindly (walang camera) pwede makabutas (ng internal organ) pwede magdugo, pag may tinamaan at di nila mapahinto pwedeng maospital ang pasyente at masalinan ng dugo,” saad pa niya.

Maaari rin itong magdala sa ilang seryosong kumplikasyon gaya ng pagdurugo, impeksyon, perforation, electrolyte imbalance at maging sa kamatayan.

‘‘Bukod dun pwede magkaroon ng increase risk yung pasyente, pwede ma-infect kasi may pinasok kang instrumento na hindi mo naman alam kung malinis. Tapos yung tinatawag na electrolyte imbalance ito yung mga nasa dugo natin na potassium, sodium chloride kapag nag-diarrhea kasi tayo yan yug mga bumabagsak kaya tayo nanghihina so kapag bumagsak yun pwede tayo manghina like kapag bumaba ang potassium pwede kang magkaroon ng iregular na pagtibok ng puso na maaaring ikamatay eh yung mga gumagawa niyan hindi naman nila chinecheck (kung ok ang puso etc) It is not a safe practice,” giit pa ni Dra. Gapasin-Tongco.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat sa pag-inom ng mga herbal na tsaa at kape na naglipana sa merkado na diumano’y nakatutulong mapanatili ang kalusugan ng bituka.

‘‘Yung mga yun (teas and coffees) ang problema dun hindi natin alam kung anong laman kasi for example if they come from other countries na iba yung language di mo alam kung ano yun. Ang danger ng mga herbal medications na yan are usually sa liver or stomach it can cause ulcer, problema sa atay.”

‘‘Whenever there is a drug na hindi mo sigurado ang benefit you don’t use it the same way the doctors don’t prescribe it,” pagtatapos ni Dra. Gapasin-Tongco.

Kailangang maipalaganap

Sa panahon ngayon maraming mga Pilipino, lalo na ang mga ‘millenials’, ang walang pakialam sa kanilang diet at lifestyle samahan pa ng bihirang pagpapakonsulta at pagsasawalang-bahala sa kanilang gastrointestinal health ang nagiging dahilan kung bakit hirap din ang mga doktor na hikayatin ang mga pasyente na bumaling sa mas malusog na pamumuhay para maiwasan ang colon cancer.

Sinabi rin ni Dr.Dy na mas maraming tao ang dapat maging edukado at magsilbi ang mga pag-aaral at datos ukol sa colon cancer bilang panggising dahil isa na itong seryosong banta lalo na’t hindi biro ang pagiging numero uno ng Pilipinas sa buong daigdig na may pinakamaraming namamatay dahil sa karamdamang ito.

‘‘Most people tend to be reactive- they will only act when they feel that there is a change in how they feel. The problem is, early stages of colorectal cancer is symptom free, and as such, the individual must be proactive in taking steps to catch colorectal cancer before becoming full-blown and too difficult to cure.

More people should be aware about it, and more people should know how lifestyle affects it,” saad ni Dy.
Bumuo rin ang Philippine Society of Gastroenterology ng mga grupo ng mga doktor nito na nagpupunta sa mga liblib na lugar upang maipaabot ang edukasyon tungkol sa sakit.

Hinihikayat at sinasanay din ng samahan ang mga mag-aaral ng medisina sa bansa na tahakin ang larangan ng gastroenterology nang sa gayon ay mas maipalaganap pa ang kaalaman ukol sa colon cancer.

Health is wealth

Gasgas na ang kasabihang health is wealth pero totoong dapat na pahalagahan ang kalusugan dahil ito ay kayamanang hindi matutumbasan. Maliban sa regular na pagbisita sa gastroenterologist at pagsailalim sa colonoscopy sa takdang panahon, madaling maiiwasan ang colon cancer sa tulong ng paglimita sa pagkonsumo ng processed food, pulang karne, mamantika at matatabang pagkain. Ang mga pagkaing masustansya sa fiber at calcium ay nakapagpapababa rin ng posiblidad na magkaroon ng sakit na ito. Makatutulong din ang madalas na pag-eehersisyo at pag-iwas sa mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Paulit-ulit man ay babalik pa rin tayo sa mga paalaalang ito bago maging huli ang lahat.

Read more...