HUMIRIT ng winner-take-all Game 3 ang Racal Tile Masters matapos tambakan ang Cignal-San Beda Hawkeyes, 100-90, sa Game 2 ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three Finals Lunes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Kumana si Rey Nambatac ng 24 puntos, apat na rebounds, tatlong steals at dalawang assists habang si Jackson Corpuz ay gumawa ng 20 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang Racal.
Nagdagdag si Kent Salado ng 15 puntos habang si Joseph Gabayni ay nagtala ng siyam na puntos at 10 rebounds para sa Tile Masters na ang mga bench players ay nag-ambag ng 50 puntos.
Maagang rumatsada ang Racal para makontrol ang takbo ng laro at itatag ang 19-puntos na bentahe, 57-38, sa ikalawang yugto sa pamumuno nina Nambatac at Corpuz.
Si Robert Bolick, na pinarangalan bilang Most Valuable Player ng kumperensiya bago mag-umpisa ang Game 2, ay gumawa ng 18 puntos, 10 rebounds at limang assists habang si Pamboy Raymundo ay kumamada ng 17 puntos para pamunuan ang Cignal.
Ang Game 3 ay gaganapin sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.