KUNG mayroong isang opisyal ng pamahalaan na dapat pagbitiwin sa puwesto, ito ay walang iba kundi si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Leo Cacdac.
Kung pagbabasehan ang mga ulat ukol sa sinapit ng maraming overseas Filipino workers ay maliwanag na walang silbi ang nasabing ahensyang nakalakip sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Pangunahing tungkulin ng OWWA ay protektahan at isulong ang kapakanan at kabutihan ng pamumuhay ng mga OFW at ang kanilang pamilya.
Kumusta si Jennifer Dalquez, ang 40-anyos na taga-General Santos City na nahatulan ng kamatayan noong 2014 sa United Arab Emirates makaraan niyang mapatay ang amo niyang gagahasa sana sa kanya? Nangagamba ang marami na matutulad siya kay Jakatia Pawa, isa pang OFW mula Mindanao na binitay noong Pebrero sa Kuwait dahil din sa pagpatay sa employer na manyak.
Kumusta si Lorely Ronquillo ng Negros Occidental na pjnagbintangan ng kanyang among Kuwaiti ng pagnanagnakaw? Imbes umano na ayusin agad ang pagpapauwi sa kanya dahil inosente umano ito, binigyan lamang siya ng OWWA at POEA ng ops-yon na manatili sa amo ng higit isang taon o manatili sa recruitment agency at manatili ng anim na taon.
Kumusta na si Shera Salva, ang 23-anyos na taga-Quezon City, na nirekrut bilang waitress sa Dubai na may sweldong $400 pero domestic helper sa Egypt ang binagsakan at pinasweldo lamang ng $250? Ilang buwan siyang iniiwan ng amo sa bahay nang walang iniiwang pagkain o pera at madalas ay sa labas ng bahay pinatutulog. O si alyas Holly na minamaltrato na nga ay tinatakot pa ng amo ng “If you do anything wrong I will kill you and cut you up into pieces and put you in the desert and no one will know,”? O maging si Marelie Brua ng QC na sinasampal, inuuntog sa pader, dinuduraan, hinahampas ng kable at tinututukan ng patalim sa mukha?
Sa higit 10 milyong OFW, mayroong 92 Pinoy sa death row sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2015. Karamihan dito ay mga kasong may kaugnayan sa pagpatay o droga.
Pero sa dami nito, wala pang nililikhang espesyal na tanggapan ang OWWA na tutugon sa iba’t ibang pangailangan, di lang pinansyal, ng pamilya ng mga nasa death row.
At ano ang reaksyon ni Cacdac sa mga pagdurusang dinaranas ng mara-ming “Bagong Bayani”?
“Overall, the protective picture has been positive” dahil 1.5 hanggang 3 porsyento lamang sa kabuuang bilang ng mga OFWs sa mundo ang natatanggap nilang reklamo.
Marami man o iilan, hangga’t may mga nag-rerereklamong OFWs na minamaltrato, gjnagahasa, di pinasusuweldo nang tama, at nasa bitayan, mananatiling walang silbi ang nasabing ahensya at mga pinuno nito.
May silbi pa ba ang OWWA?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...