KINOKONDENA ng mga human rights advocates at mga nakikialam na bansa ang kampanya laban sa droga ni Pangulong Digong.
Tinatawag nila itong “crimes against humanity” dahil sa dami nang napapatay na mga pinaghihinalaang drug addicts at kriminal.
Hindi pa magkatugma ang kanilang mga bilang: 4,000, 7,000 at 8,000.
Ang hindi nakikita o ayaw tingnan ng mga human rights advocates at mga pakialamerong bansa ay ang bilang ng mga kabataan na nailigtas sa paggamit ng droga at ang mga mamamayan na ligtas nang maglakad sa kalye.
Ang mga napatay sa war on drugs ay mga drug pushers na di na makakapambiktima ng mga kabataan at mga addicts na hindi na makapang-holdup, makapanggahasa at makapatay ng walang awa.
Yan ang dahilan kung bakit palaging mataas ang ratings ni Mano Digong sa mga popularity surveys.
Kung ang mamamayan ay hindi nagrereklamo, bakit nagrereklamo ang ibang bansa?
***
Gumagawa ako ng aking sariling survey sa mga taong pumupunta sa aking tanggapan sa “Isumbong mo kay Tulfo” upang humingi ng tulong sa pang-aapi na dinanas nila o sa kanilang mga naantalang pension o suweldo.
Ang aking mga bisita, na mga pangkaraniwang mamamayan, ang nagsasabi na nakikinabang sila sa kampanya sa droga.
“Nagkakawalaan po ang mga adik na namemerwisyo sa lugar namin,” sinabi sa akin ng isang may edad na ale na nakatira sa San Andres, Manila.
Isang college student naman, na humingi ng tulong na marekober yung kanyang cellphone na naiwan niya sa taxi, ang masayang nagkuwento: Wala na raw estudyante na nahoholdup sa labas ng campus sa isang unibersidad kung saan siya nag-aaral mula noong isang taon.
Isang security guard, na nagreklamo ng pagkaantala ng kanyang suweldo, ang parang nagsalita sa karamihan: “Sana maging tahimik na ang buong bansa gaya ng Davao (City).”
Si Pangulong Digong ang naglinis ng Davao City ng masasamang-loob nang siya ay mayor ng lungsod.
Ang hirap sa mga kritiko ni Mano Digong, ang nakikita lang nila ang mga punongkahoy at hindi buong kagubatan sa kampanya laban sa droga.
***
Inaasam-asam ng mga taga-Sulu ang pagpapatayo ng P1-bilyong ospital sa Jolo, ayon kay Sulu Gov. Sakur Tan.
Ang pagpapatayo ng ospital ang manggagaling sa P3-bilyon tax settlement ng Mighty Corp., isang local cigarette manufacturer, sa gobiyerno.
Sinabi kasi ni Pangulong Digong na ipapatayo niya ang tatlong ospital na magkakahalaga ng P1-bilyong bawa’t isa kapag nabayaran na ng Mighty ang gobiyerno na galing sa tax compromise settlement ng Mighty.
Sinabi sa akin ni Alex Wongchuking, na nagmamay-ari ng Mighty, na bukod sa P3-bilyong na babayaran ng kanyang kumpanya, pagagandahin niya at bibilhan ng bagong mga kagamitan ang Fabella Memorial Hospital sa Maynila.
Ang Fabella, na nagpapaanak ng daan-daang kababaihan araw-araw, ay lumang-luma na at walang mga makabagong aparato.
“Yan ay ospital ng mga mahihirap na babaeng nanganganak,” sabi ni Mano Digong nang sabihin ko sa kanya ang sinabi sa akin ni Wongchuking.
***
Sa mga Cabinet meetings, paulit-ulit na pinaalalahanan ni Pangulong Digong ang kanyang mga Gabinete na huwag matukso na mangurakot.
“Hindi ko kokonsentihin ang kurakot sa aking official family. Kung nagnakaw ka sa taumbayan, patawarin na ninyo ako dahil tatanggalin ko kayo,” sabi niya.
Walang alinlangang tinanggal sa puwesto ni Mano Digong ang National Irrigation Administration chief na si Peter Lavina matapos may nagreport sa kanya na nanghingi ito ng lagay sa isang contractor.
Si Lavina ay matagal na kaibigan ni Mano Digong at kanyang spokesman noong election campaign.