MULING patutunayan ni Maine Mendoza sa buong mundo na kayang-kaya rin niyang paiyakin ang mga manonood sa kabila ng kanyang pagiging magaling na komedyana.
Ibang-ibang Maine naman ang mapapanood sa “Prinsesa” episode ng Lenten Special ng Eat Bulaga ngayong taon. Dito gagampanan ni Maine ang karakter ni Mayang, isang professional na pickpocket na makikipagkaibigan sa isang batang tuturuan siya ng kahalagahan ng pamilya at pagpapatawad.
Makakasama ni Maine rito sina Wally Bayola, Ryzza Mae Dizon, Anjo Yllana, Tommy Penaflor at Joel Palencia.
“Snatcher ako. Prinsesa ng lansangan ba kung tawagin. Tapos, hindi ko kasi nakasama yung pamilya ko dito lumaki ako na ganun yung ginagawa kong trabaho,” kwento ni Maine.
Isang malaking hamon para kay Maine ang magampanan ang role na ito. Kilala bilang magaling na komedyante, ngayon lang gaganap ang dalaga ng karakter na hindi masayahin at kikay.
“Isa ito sa mga kakaibang character na nagawa ko, ever. Si Mayang kasi, very serious. Seryoso siyang tao. Medyo siga. So nahirapan din ako na mag-adjust sa ganu’ng character,” sabi ni Maine.
Hindi na baguhan sa aktingin sa Maine. Bukod sa pagiging host ng Eat Bulaga, napatunayan na niya ang kanyang galing sa mga pelikulang “Imagine You And Me” at “My Bebe Love”. Sanay na rin siya sa iyakan dahil sa kanyang GMA primetime series na Destined To Be Yours with Alden Richards.
Pero para kay Maine, ang role ni Mayang ang pinakamahirap na karakter na nagampanan niya.
“Yung persona ko as Maine Mendoza, malayo sa character ko rito. Kasi si Mayang, galit lagi sa mundo. Meron din naman siyang sympathy sa tao, kailangan lang kunin yung kiliti sa puso. Doon lang kami nagkakapareho ni Mayang,” ani Maine.
Inaamin ni Maine na hindi pa siya masyadong adjusted bilang aktres, “Nahihirapan pa rin ako, kailangan ko pa rin ng tulong ng acting coach and directors. May adjustments pa rin, naiilang pa rin ako kapag umaarte.”
Pero dagdag niya, ginagawa niya ang lahat para mapatunayan na may ibubuga siya sa larangan ng pagdadrama. “I just let it flow. Ang ginagawa ko talaga is I focus sa work ko and sa script. I really take it seriously para maka-deliver ako ng maayos sa acting.”
Sa direksyon ni Mike Tuviera, isa lamang ang “Prinsesa” sa mga tampok na istorya sa 2017 Eat Bulaga Lenten Special.
Tampok sina Alden Richards at Ryan Agoncillo sa “Kapatid,” isang kwento ng dalawang magkakapatid na matututunang mahalin ang isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakaiba. Kasama rito sina Ruby Rodriguez, Pia Guanio at Jerald Napoles, sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal.
Gaganap na mag-ina sina Paolo Ballesteros at Ai Ai delas Alas sa “Inay” ni Jose Javier Reyes.
Pangugunahan naman nina Lorna Tolentino, Taki at Kenneth Medrano ng Trops, at child sensation na si Baste ang “Pagpapatawad,” na idinirek ni Gina Alajar. Gaganap na pamilya sina Jose Manalo, Tito Sotto, Barbie Forteza, at Kim Last, Miggy Tolentino at Jon Timmons ng Trops sa “Mansyon.” Kasama rin dito si Jake Ejercito.
Pangungunahan naman nina Vic Sotto at Joey de Leon ang “Kaibigan,” sa direksyon ni Joel Lamangan. Kasama rin dito sina Bianca Umali at Kim Rodriguez.
“Siyempre 1980s pa sinimulan ng Eat Bulaga ito, kumbaga naging tradisyon na ng mga Pilipino na kapag Holy Week, bukod sa panata na yan ng Tito, Vic & Joey, mapapanood mo Eat Bulaga yung mga host na makukulit na nagdadrama. Nakakatuwa na pinapagpatuloy namin yung tradisyon ng mga Pinoy,” sabi ni Paolo.
Mapapanood ang Eat Bulaga Lenten Special 2017 mula Lunes hanggang Miyerkules, April 10 to 12, sa GMA lang.