Kathryn, Daniel binigyan na ng blessing ng mga magulang

kathryn bernardo at daniel padilla

DAPAT sana ay sa Phuket, Thailand magse-celebrate ng kanyang 21st birthday si Kathryn Bernardo kasama ang kanyang boyfriend na si Daniel Padilla at ilang malalapit nilang kaibigan.

Pero nagdesisyon ang dalawang bida ng pelikulang “Can’t Help Falling In Love” ng Star Cinema na sa El Nido, Palawan na lang sila magpunta dahil ang pasaporte ni DJ ay hindi dumating sa oras.

Nabanggit ito sa amin ng nanay ni Kath na si Mrs. Mhin Bernardo habang ginaganap ang presscon ng “Can’t Help Falling In Love” kamakailan.

Hindi pala sumama si Mommy Mhin sa Palawan, hinayaan daw niya sina Daniel at Kathryn na mag-enjoy sa kanilang bakasyon, “Sila-sila lang, ‘yung ate niya at mga kaibigan lang ang kasama, hindi na ako sumama. Dapat sa Phuket sila, kaso hindi dumating kaagad ‘yung passport ni DJ (nag-renew). Pero okay na rin na dito lang sila.”

Nabanggit din sa amin ni Daniel na hindi pa dumarating ang passport niya hanggang ngayong nakabalik na sila ng Manila.

Balik-tanong namin kay mommy Mhin kung madalas na siyang hindi kasama sa mga lakad ng kanyang anak kahit kasama si Daniel, “Sa Palawan lang, may tiwala naman na ako sa kanila, hinahayaan ko silang mag-enjoy, saka nag-mature na sila kaya nakakatuwa.”

Naitanong din namin kung may plano na ba ang KathNiel para sa future nila, “Naku, wala pa, matagal pa ‘yan. Alam nila ang priorities nila, work muna. Saka mga bata pa naman sila,” say sa amin.

Para kina Kath at Daniel, hinding-hindi raw nila malilimutan ang bakasyon nila sa Palawan, ito na raw ang pinaka-best summer of love nila.

“Kagagaling lang po namin sa bakasyon sa El Nido, so I can say na this is the best summer para sa akin.

“Feeling ko po sa lahat ng birthday celebration ko (espesyal), pero so far, pinaka-favorite ko itong 21st birthday ko kasi ang tagal ng pinaplano, gusto ko talagang pumunta sa El Nido and then ‘yung four days na ‘yun, tinrabaho ko para pirmahan ni tita Lulu (Romero, handler) ‘yung birthday leave ko rin so noong na-approve na, nag-ano talaga ako na I have to go to Palawan kasi nasa bucket list ko ‘yun.

“Naikot namin…tapos kasama ko si DJ, of course. Parang nagkaroon kami ng sariling mundo sa Palawan kasi may places na walang signal tapos nag-arrange ng dinner sa sandbar, watching the sunset, counting the stars ‘pag gabi, simpleng bagay.

“Sobrang babaw ko na tao pero napakasaya ko kasi after all the hardwork before my birthday, naka-recharge rin ako sa four days na ‘yun,” kuwento ng dalaga.

At ang nabago naman na kasama si DJ, “ginigising kami ng maaga kasi kapag mag-snorkeling ka dapat maaga. First thing ‘yun the morning nakipag-adventure siya sa amin. Lahat ng gusto kong gawin nagawa ko kasi hindi kami nagmamadali in four days.”

Hirit naman ng aktor, “Yes, yes the best kasi kagagaling lang namin sa Palawan para sa birthday niya kaya masayang-masaya po kami and sobrang nag-enjoy si Kathryn at napakasaya lang ng trip namin, kaya summer of love.”

Pero wala pa raw materyal na regalo si DJ sa kanyang girlfriend hanggang ngayon, “Regalo ko sa kanya hindi material na bagay para maiba naman, mas more on doon sa effort and sa pag-alalay ko sa kanila sa El Nido at siyempre ‘yung pagmamahal kasi hindi mo ‘yun mabibili.”

Ang “Can’t Help Falling In Love” ay mula sa direskyon ni Mae Cruz-Alviar mula Star Cinema at showing na sa April 15.

Makikipagtagisan ng akting ang KathNiel sa mga magagaling na artistang kasama nila sa movie tulad nina Cherry Pie Picache, Lotlot De Leon, Dennis Padilla, Joross Gamboa, Janus del Prado, Kristel Fulgar, Lito Pimentel, Pinky Amador, Johnny Revilla, Hannah Ledesma, Devon Seron, Chienna Filomeno, Earl Ignacio, Nina Dolinom, Belle Mariano, Clarence Delgado, at si Matteo Guidicelli.

Read more...