SA darating na Biyernes na, April 7 nang gabi, mapapanood ang concert ng magaling na singer na si Erik Santos sa The Theater ng Solaire Resort & Casino.
Puro mga klasikong piyesang Pilipino ang tututukan ni Erik sa concert na siya rin ang magdidirek at nagsulat ng script, kinarir niya talaga ito, sa pamamagitan ng Lucky 7 Koi Productions na kinabibilangan ng kanyang kaibigan-nanay-nanayang si Tita Lily Chua.
Ang makakasama niya sa palabas na “Erik Santos Sings The Greatest OPM Classics” ay sina Ogie Alcasid, Yeng Constantino at Marcelito Pomoy na tulad niya ay nasa ilalim din ng pamamahala ng Cornerstone Productions ni Erickson Raymundo.
Pansamantalang isasantabi muna ni Erik Santos ang mga kasong isinampa niya at ng kanyang manager laban sa aming kaibigan at kasamahan sa trabaho na si Jobert Sucaldito.
Ipinauubaya na ‘yun ng singer sa piskalya, ayaw na muna niyang makaabala sa darating niyang concert ang pinagdadaanan nilang laban ni Jobert, para sa ikasasaya ng kanilang manonood.
Isa ang talento ni Erik Santos sa mga katangi-tangi sa mundo ng musika. Malinis ang kanyang boses, naibibigay niya ang tamang emosyon sa piyesang kinakanta niya, mahal na mahal ng singer ang kanyang propesyon.
Iniingatan niya ang regalo sa kanya ng kapalaran, hindi niya inaaubuso, kaya malayung-malayo na ang kanyang nararating.
Sa April 7 nang gabi na ang kanyang concert, siguradong magiging matagumpay ang palabas, lalo na’t mahaba ang mga kamay ng kanyang mga producers sa paghawak ng proyekto kahit baguhan pa lang sila sa linyang ito.