CITY of Ilagan, Isabela — Natabunan ang isang national junior record sa 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships Biyernes sa City of Ilagan Sports Complex.
Itinala ng 18-anyos mula Bacolod City na si Jerry Belibestre ng Team Negros 1 ang bagong Philippine junior record sa boys long jump matapos lundagin ang layo na 7.43 metro sa kanyang ikaanim at huling talon.
Binura ng BS Education Major in MAPE na si Belibestre ang 18-taong dating record ni Joebert Delicano na 7.41 metro na naitala noong Abril 28, 1999 sa Arafura Games sa Darwin, Australia.
Si Belibestre, na mula sa Ramonito Maravilla National High School, ay nagwagi rin ng ginto sa ASEAN Schools, Children of Asia at Malaysia Open.
Habang isinusulat ito ay nakatakda na pag-agawan ang kabuuang 18 gintong medalya sa isasagawa sa hapon na 18 finals na tampok ang centerpiece event na 100m at 200m dash at ang inaabangan na 4x100m relay.
Pinakaunang nagwagi sa ikalawang araw ng kompetisyon ang nagbabalik sa pagreretiro na dating national team member na si Julius Sermona na rumatsada mula sa ikatlong puwesto sa huling apat na kilometro ng men’s 10,000m run tungo sa pagsungkit ng gintong medalya.
Itinala ng mula Himamaylan, Negros Occidental at 38-anyos na si Sermona ang tiyempo na 33:29.78 upang ungusan sina Gilbert Laido ng Lucena City (33:32.22) at ang Olympian at ilang beses nagkampeon sa marathon na si Eduardo Buenavista ng Philippine Air Force (33:43.29).
“Mahirap po kasi kapag atleta ka. Hinahanap-hanap ng katawan mo ang pagtakbo. Medyo nag-ensayo lang din at baka makasama muli sa national team. Medyo malayo po ako sa qualifying dahil pang-eighth place ako sa SEA Games marathon eh pero makakaya pa rin naman kung makakabalik sa ensayo,” sabi ni Sermona.
Samantala, nagsipagwagi naman ng gintong medalya sina Albert Mantua ng RP-Team City of Ilagan sa men’s shotput (14.90), Christian Dave Geraldino ng Mapua sa boys high jump (1.89m), Narcisa Atienza ng Philippine Army sa women’s shotput (12.29m), Clinton Kingsley Bautista ng PH Team-Ilagan sa men’s 110m hurdles (14.54s), Ruther Dela Cruz ng Bulacan sa boys 110m hurdles (15.50s), John Christian Capasao ng Mapua sa boys discus throw (39.50m), Emerson Obiena sa pole vault (3.90m) at Aileen Tolentino ng Army sa 3,000m steeplechase (12:41.24).