Pitong kasapi ng armadong grupo kabilang ang kanilang lider ang nadakip, isa ang napatay, at maraming baril ang nakumpiska nang magsagawa ng raid ang mga pulis sa Omar, Sulu, ayon sa mga otoridad.
Isang sibilyan naman ang nasugatan nang maipit sa bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at ng armadong grupo.
Kabilang sa mga naaresto ang lider ng grupo na si Saudi Kahal Hamja, wanted para sa kasong murder; at mga tagasunod niyang sina Adzmar Omar, Juli Sahibul, at Ayyub Mangkabong, wanted para sa arson, sabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, direktor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.
Napatay sa engkuwentro si Ardin Akar Paling at nasugatan si Nong Haliludin, kapwa mga tagasunod din Hamja.
Naipit sa bakbakan ang sibilyang si Norherma Galamaddin kaya nasugatan at dinala sa Luuk District Hospital, ani Sindac.
Isinagawa ng mga elemento ng Omar Police at Army Scout Rangers ang operasyon sa Brgy. Capual dakong alas-5 ng umaga Miyerkules, gamit ang mga arrest warrant laban kay Hamja at ilan niyang tauhan.
Pakay ng operasyon na madakip si Hamja at ang mga wanted niyang tauhan, na pawang mga sangkot din diumano sa pagbebenta ng droga, ayon kay Sindac.
Nakasagupa ng mga sundalo’t pulis si Hamja at aabot sa 20 niyang tauhan sa Capual, ayon sa Armed Forces Western Mindanao Command.
Matapos ang bakbakan, umatras ang iba pang tauhan ni Hamja patungo sa Sitio Buhangin Mahaba, Brgy. Lahing-lahing, at nag-iwan ng iba pang baril doon, ani Sindac.
Umabot sa 36 iba-ibang uri ng armas, kabilang ang ilang crew-served weapons, ang nakumpiska sa raid site sa Capual at sa Lahing-lahing.
Kinabibilangan ito ng walong M16 rifle, pitong M14 rifle, limang M1 Garand rifle, apat na M653 rifle, tatlong Carbine rifle, dalawang M203 grenade launcher, dalawang M79 grenade launcher, isang kalibre-.22 rifle, AK-47 rifle, FN-FAL rifle, kalibre-.50 machine gun, at 60-millimeter mortar.
Nakasamsam din ng dalawang pares ng binoculars, 21 bandoleer, mga hand held radio, sari-saring magazine assembly at bala, at tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Inaasahang malaki ang magiging epekto ng operasyon sa sitwasyong pangkapayapaan ng Omar, ayon kay Senior Supt. Mario Buyuccan, direktor ng Sulu provincial police.
“Lawlessness relative to drugs and the use of firearms, in general, will be prevented or minimized,” aniya.
Matatandaan na sa Capual din napatay ng mga sundalo ang walong kasapi ng Abu Sayyaf noong Pebrero 7, habang nagtatago doon ang mga bandidong may dalang bihag.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang grupo ni Hamja sa Abu Sayyaf.
MOST READ
LATEST STORIES