ILAGAN CITY, Isabela — Pinawi ni Francis Edward Obiena ang pagkauhaw sa gintong medalya ng host Philippines kahapon sa 12th SEA Youth Athletics Championships dito sa City of Ilagan Sports Complex.
Nagawang lampasan ni Obiena ang apat na metrong taas sa kanyang unang talon para manalo ng gintong medalya sa pole vault na siyang pinakahuling event na nilaro kahapon dito.
“Masayang-masaya po dahil nanalo ako pero dismayado po ako kasi hindi ko nagawa ang maipakita ko sa mga manonood na kaya ko pa matalon iyung personal best ko,” sabi ng 17-anyos na Grade 12 student ng Chiang Kai Shek-Manila.
Naging inspirasyon din niya ang amang si Edward na pinanood siya kahapon. Naroon din ang tiyuhin niyang si Emerson Obiena na dating miyembro ng Philippine team at nagsisilbi niyang coach ngayon.
Nahirapan naman ang nakalaban nito na si Saclin Esan Maran ng Singapore na linisin ang taas at magkasya lamang sa 3.80 metro. Pumangatlo si John Emmanuel Reyes ng Pilipinas sa naitalang 3.40 metro.
Bago ang panalo ni Obiena ay tila hirap na hirap ang Pilipinas na makakuha ng gintong medalya bagaman nanalo ito ng siyam na pilak at 15 tansong medalya.
Halos abot kamay na sana ng 16-anyos na si Jesell Lumapas ang ginto sa girls 400-meter run kung hindi ito kinapos sa huling 50 metro at pumangalawa lamang kay Thi Hong Han Le ng Vietnam.
Naorasan ang Grade 10 student ng Paliparan National High School na si Lumapas ng 58.94 segundo pero naungusan siya ng nakalabang Vietnamese na may tiyempong 58.16 segundo.
“Hindi ko po nakita na bumubulusok (ang Vietnamese) tapos kapos na rin ako sa paghinga,” sabi ni Lumapas na nasa kanyang unang internasyonal na palaro.
Pumangatlo si Maulidah ng Indonesia.
Pinalampas lamang ng Albay Palaro 400m gold at 200m bronze medalist na si Lumapas ang 2,000m steeplechase event upang magbalik kampanya sa 200m kung saan nanalo siya ng bronze medal upang maging unang atleta ng bansa na nagwagi ng tatlong medalya.
Kasama rin siya sa koponang nanalo ng pilak sa 4x400m girls relay sa unang araw ng palaro.
Ang pambansang koponan ay binubuo ng 44 lalaki at 31 babae. Ang palarong ito ay para sa mga atletang may edad 17-anyos pababa.
Nagwagi rin ng tanso sa 1,500m girls ang survivor ng Typhoon Yolanda na si Lealyn Sanita ng Leyte Sports Academy at Grade 9 sa San Miguel National High School.
Nagtala siya ng tiyempong 4:56.63 pero hindi ito sapat para talunin si Thu Hang Doan ng Vietnam. Pumangatlo rito si Nani Dwi Purwati ng Indonesia (4:58.09).
Muntik ding manalo sa dikitang labanan ang nagsindi ng tournament flame na si John Carlo Yuson ng tansong medalya sa 200m dash boys sa oras na 22.79 segundo. Ang ginto ay napunta kay Kittipoorn Khotarse ng Thailand (22.30) at ang pilak ay nakuha ni Muhammad Solihin Jamali ng Malaysia (22.46).
Nagwagi naman ng pilak si Wally Gacusan ng Isabela sa boys high jump sa personal best na 1.81 metro. Nanalo rin ng tanso si Jasmine Remolino sa discus throw girls (30.97 metro) —Angelito Oredo