NASAWI ang 29-anyos na babae, isang oras matapos sumailalim sa liposuction, breast at butt surgery sa isang cosmetic surgery clinic sa Mandaluyong City kamakalawa.
Ayon sa ulat na nakarating kay Eastern Police District director Chief Superintendent Romulo Sapitula, iniulat ang pagkamatay ni Shiryl Saturnino, negosyante, ng Makati City, alas-3:21 ng umaga, halos isang oras matapos sumailalim sa liposuction sa Icon Clinic sa Summit One Tower sa 530 Shaw Boulevard, Brgy Highway Hills.
Sa isang ulat na isinumite ni Chief Inspector Jose Villarta, Mandaluyong Police investigation unit chief, napansin ng anaesthesiologist na si Dr. Jose Jovito Mendiola at surgeon na si Dr. Samuel Eric Yapjuangco, ng Icon Clinic, na wala nang pulso ang biktima at tinangka pa nilang itong i-resuscitate.
Humingi ng saklolo ang mga doktor sa Makati Medical Center.
Namatay si Saturnino sa clinic.
Base sa impormasyon ng mga imbestigador na sina SPO2 Emmanuel Ermino at SPO1 Jamar Sabri, ito na ang ikatlong beses na sumailalim ni Saturnino sa operasyon sa nasabing clinic.
Una itong sumailalim sa nose surgery noong 2013 at breast surgery noong 2015.
Sinamahan ang biktima ng kamag-anak na si Shiela Mae Deinla at anak niyang babae ganap na alas-5 ng hapon noong Sabado para sa breast surgery, liposuction at butt augmentation, ayon pa kay Erino.
Nakatakdang magsumite ng kanilang affidavit ang mga doktor.
Ito ang unang kaso ng clinic na may namatay itong pasyente.
Sa ngayon ay wala pang kasong isinasampa sa clinic, bagamat humingi na ng tulong sa pulisya ang mga magulang ng biktima na sina Noli at Shirley Saturnino.
Sinabi ni Senior Superintendent Joaquin Alva, Mandaluyong City police chief, na nahaharap ang mga doktor sa kasong reckless imprudence resulting in homicide kung mapatunayang may kapabayaan ang mga ito.
Isang single mother si Saturnino at breadwinner ng pamilya.
“She left a young daughter–around 5 to 6 years old,” sabi ni Ermino.
Nakaburol ang mga labi ni Saturnino sa Shrine Of Our Lady Of Grace Parish sa 11th Ave, East Grace Park sa Caloocan City.