NOONG nakaraang taon ay pumalo sa $26.9 bilyon ang perang ipinadala sa bansa ng mga Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa. Mas mataas ito ng limang porsyento kumpara sa $25.6 bilyon na remittance noong 2015.
Nasa $7.9 bilyon naman ang foreign direct investment o ang kontribusyon sa ekonomiya ng mga dayuhang imbestor habang tinatayang nasa $25 bilyon ang ipinasok ng Business Processing Outsource.
Lumalabas na sa tatlong nabanggit na pinagkukunan ng kita ng bansa, nananatiling nangunguna ang remittance ng mga overseas Filipino workers na nagpapalutang ng ekonomiya ng Pilipinas.
Kaya nakalulungkot isipin na may mga kuwento pa rin ukol sa mga kaso ng kapabayaan ng pamahalaan sa mga manggagawang Pinoy, na binansagan pang mga Bagong Bayani, sa ibang bansa.
Gaya na lang ni Marcelino Devis, ang 47 anyos na OFW na na-patay sa hit-and-run incident sa Hawalli, Kuwait ilang linggo na ang nakararaan.
Nagtamo si Devis, residente ng Santa Maria, Ilocos Sur, ng basag na bungo at bali na leeg dahil umano sa aksidente kaya naniniwala ang pamilya niya na hindi simpleng aksidente lamang ang pangyayari na dapat busisiin nang malaliman.
Ito rin ang sentimyento ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na umapela sa pamahalaang Duterte na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa insi-dente.
Ani Imee, “Justice needs to be served. There has to be an investigation, justice, and equity.”
May katuturan din ang hirit niya na dapat malaman ng pamilya ni Devis at ng publiko kung “ano ang naitulong ng ating embahada sa ating kababayan.”
Kung may kuwestyon sa pagkamatay ng OFW, makatarungan din ang iginigiit ni Imee na dapat managot ang mga opisyal ng Pilipinas sa Kuwait kung nagkibit-balikat ang mga ito at nilulon na lamang ang resulta ng imbestigas-yon ng mga taga-Kuwait ukol sa krimen ng kanilang kababayan.
May pinanggagalingan ang hugot ni Imee dahil mula sa kanyang lalawigan nagmumula ang pinakamaraming bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kaya nga hanggang ngayon ay ipinapaala niya kay Pangulong Duterte ang pangako ng huli noong panahon ng kampanya na lilikha ito ng hiwalay na ahensya na tututok lamang sa mga OFW at kanilang pamilya.
Kung totoong may malasakit ang administrasyon sa mga OFW, gaya ni Marcelino Devis, hindi nito dapat binabalewala ang mga ganitong uri ng panawagan dahil baka maakusahan itong walang utang na loob sa mga manggagawang Pinoy sa abroad. Gaya ng reklamo kontra sa gobyerno ni ex-PNoy na pilit na pinalalabas na tanging mga foreign investors kuno ang bumubuhay sa ekonomiya.