AMINADO si Angel Locsin na hindi na talaga niya kayang gampanan ang papel ng Darna. Ipinaliwanag niya ang mga dahilan, unang-unang kunsiderasyon ng aktres ang matindi niyang problema sa kanyang likod at balakang, iminuwestra pa nga ng kanyang therapist kung gaano katagibang ang kanyang posture.
Gustung-gusto niyang gawin uli ang Darna, pero kung ‘yun naman ang makakapalit ng pagkadelikado ng kanyang kalusugan ay hindi niya ‘yun gagawin, ipinauubaya na niya sa ibang artista ang makasaysayang role.
Pero hindi ‘yun matanggap ng mga tagasuporta ni Angel Locsin, napulitika lang daw ang kanilang idolo, ang totoo raw ay kayang-kaya namang gampanan ni Angel ang nasabing papel pero napagkaisahan lang siya.
Alam ni Angel ang totoo, alam na alam din ng mga ehekutibo ng ABS-CBN ang kawalan niya ng kapasidad na mag-Darna, maayos nilang itinawid ang announcement sa publiko.
Pero ano itong rally na binabalak ng kanyang mga tagahanga? Hindi ‘yun maganda sa panlasa dahil parang lumalabas na ipinagsisiksikan nila si Angel sa role, samantalang isinuko na nga ng kanilang idolo ang papel na dapat ay sa kanya?
Kundi raw si Angel ang magbibida ay huwag na lang gawin ang Darna. Sa biglaang paghusga ay napakatindi naman ng maling ipinaglalaban ng grupong ito. Kanila ba ang produksiyon?
Kahila ba ang istorya ng Darna? Sila ba ang dapat masunod sa pagsasapelikula ng proyekto? Aba naman, baka puwedeng bago dumating ang pagsisimula ng kanilang martsa ay uminom muna ng kape ang grupong ito, para naman kahit paano ay nerbiyusin sila?