Pagpapatupad ng SSS premium hike bubulaga sa Mayo

MATAPOS tuparin ng pamahalaan ang ipinangakong P1,000 kada buwan na karagdagan sa pension ng mga miyembro ng Social Security System, nakaamba naman ngayon ang 1.5 porsiyentong dagdag sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.

Hindi ba’t nang ihayag sa Malacañang ang P1,000 monthly SSS pension hike noong
Enero, kasabay din nito ang pagsasabi kapwa ng mga tagapagsalita ng Palasyo at ng mga opisyal ng SSS na ipapatupad sa Mayo ang pagtataas sa kontribusyon na inihuhulog buwan-buwan ng mga pribadong empleyado.

Enero dapat naging epektibo ang P1,000 SSS pension hike at dahil sa batikos na tinanggap ng gobyerno at SSS, ipinatupad din ito simula noong Marso kung saan ibinigay ang naipon na karagdagan sa monthly pension ng mga SSS pensioner na dapat ay nagsimula noong Enero.

At simula ngayong Abril, normal nang matatanggap ang karagdagang P1,000 sa monthly pension.

Ngunit sa Mayo, ang nakaamba naman ay ang 1.5 porsiyentong karagdagan sa SSS premium kung saan tataas ang babayarang kontribution ng mga miyembro sa 12.5 porsiyento mula sa kasalukuyang 11 porsiyento.

Kung hindi mapipigilan, mararamdaman ang pagtataas ng kontribusyon sa SSS buwan mismo kung saan ginugunita ang Labor Day.

Imbes na magandang balita ang maririnig ng mga manggagawa sa Araw ng Paggawa, posibleng hindi pa magandang balita sakaling ituloy nga ng pamahalaan ang SSS premium hike.

Idinadahilan ng pamunuan ng SSS at ng Malacañang na kinakailangan ito para mapatatag ang SSS.

Kapag nagkakaroon ng problema sa pinansiyal na isyu ng SSS, ang tanging opsyon na ibinibigay lagi ng pamunuan ay pagtataas ng kontribusyon.

Alam naman ng publiko na napakaraming mga kompanya ang hindi nagreremit ng SSS premium ng kanilang mga empleyado sa kabila na otomatikong kinakaltas ito sa kanilang manggagawa tuwing susweldo.

Habulin muna ng SSS ang mga negosyanteng hindi nagre-remit ng mga kontribusyon ng kanilang empleyado bago ipasa muli sa mga miyembro nito ang dagdag sa kontribusyon.

Ang sinasabi ng SSS at pamahalaan, ito’y hindi naman gaanong mabigat ngunit para sa mga ordinaryong empleyado, ultimo piso ay mahalaga sa kanila at kung mababawasan pa ang maliit na natitira sa kanilang takehome pay ay napakalaking bagay na ito.

Hindi biro ang laki ng mga bonus at sweldo ng mga opisyal ng SSS kayat madali para sa kanilang ipasa sa mga miyembrong nagpapasweldo sa kanila ang responsibilidad para lamang sa sinasabing pagpapatatag ng pondo ng SSS.

Dapat mag-ingay ang mga dating labor groups at militanteng grupo na kataka-takang naging tahimik dahil naging kaalyado ng administrasyon dahil ito naman ang kanilang ipinaglalaban dati, ang kapakanan ng mga manggagawa.

Hindi kataka-takang mabulaga na lang ang lahat at ituloy ng gobyerno ang planong SSS premium hike sa Mayo.

Dapat ding tutulan ng ating mga mambabatas ang pagtataas sa kontribusyon gaya ng kanilang pagtutol noong Enero nang ito ay ihayag.

Sana’y hindi nga tayo magulat sa nakaambang SSS premium hike na sa tingin ko’y isang done deal na at naghihintay na lamang ng implementasyon.

Read more...