Goodbye na kay Bowles

LOOKS like we’ve already seen the last of Denzel Bowles!

Kung inaakala ng karamihan ay makakaresbak pa si Bowles ay naglaho nang lahat ang sapantahang ito matapos na pauwiin siya ni TNT Katropa coach Nash Racela.

Ni hindi man lang kasi nakapaglaro ng isang game si Bowles na maaga sanang pinarating ni Racela. Hayun at alsa balutan na siya at umuwi sa Estados Unidos gayung wala naman siyang kamag-anak na namatay.

Kasi nga noong nakaraang conference ay iyon ang naging dahilan kung bakit hindi niya natapos ang Commissioner’s Cup. Aniya ay may kamag-anak siyang namatay at kailangan niyang umuwi.

Actually hindi talaga alam ng karamihan kung bakit siya tsinugi ni dating Star coach Jason Webb. Sinabi na lang siguro ng management ng Star na may namatay at kailangan nilang kumuha ng pansamantalang kapalit. Baka talagang nabanas na lang si Webb dahil lumalaki na ang ulo ni Bowles at nahihirapan siyang kontrolin ito.

Pinalitan siya ni Ricardo Ratliff na naglaro hanggang dulo ng conference. Muntik pa ngang maihatid ni Ratliff sa semis ang Hotshots dahil nahatak nila sa sudden-death game ng San Miguel Beer sa quarterfinals. Dapat nga ay babalik si Ratliff para sa Governors’ Cup pero sobra sa tangkad.

Ayon naman sa mga pilyo, baka nagkapikunan sina Webb at Bowles. Malamang daw na sa susunod na season (ngayon na ‘yun) e babalik si Bowles at maglalaro sa Barangay Ginebra sa ilalim ng coach na unang kumuha sa kanya — si Tim Cone.

Pero hindi man lamang hinarangan ng San Miguel Corporation ang hangarin ng TNT Katropa na papirmahin si Bowles. Go na raw!

Hayun at sising alipin ang Tropang Texters.

Mabuti na lang at naging available si Louis Amundson na isang journeyman ng NBA. Sampung taon siyang naglaro sa ligang ito at higit sampung teams yata ang kanyang napuntahan.

Ang 34 taong gulang na si Amundson ay halos nakaikot na sa NBA at nakapaglaro para sa New York Knicks, Phoenix Suns, Philadelphia 76ers, Golden State Warriors, Indiana Pacers, Minnesota Timberwolves, New Orleans Pelicans, Los Angeles Clippers, Chicago Bulls at Cleveland Cavaliers.

Hindi naman iyon nangangahulugan na pipitsugin siyang player noh. Kung hindi siya magaling tatagal ba siya ng sampung taon?

Ibig sabihin ay may pakinabang sa kanya.

Ang tanong ay kung pakikinabangan siya nang husto ng Tropang Texters?

Read more...