Heat sa Finals

MIAMI   — Umiskor ng 32 puntos at sumungkit ng walong rebounds si LeBron James kahapon sa 99-76 panalo ng Miami Heat sa do-or-die Game Seven ng NBA Eastern Conference Finals kontra Indiana Pacers.

Ngunit ang mas mahalaga ay nakakuha siya ng malaking suporta sa mga kakampi niyang sina Dywane Wade, Chris Bosh at Ray Allen na pawang masama ang inilaro sa Game Six kung saan nagwagi ang Pacers, 91-77.

Si Wade ay gumawa ng 21 puntos at siyam na rebounds, si Bosh ay may siyam na puntos at walong rebounds at si Allen ay may 10 puntos sa 3-of-5 shooting mula sa three-point area.

Sa unang pagkakataon din sa best-of-seven series ay tinalo ng Miami sa rebounding department ang mas malalaking Indiana. Kumuha ang Heat ng kabuuang 43 rebounds habang kumulekta lamang ng 36 ang Pacers.

Lamang  din ang Heat sa offensive rebounds, 15-8, at steals, 11-4.

“They’re just an amazing group of guys,” sabi ni Heat managing general partner Micky Arison matapos tanggapin ang  East championship trophy kahapon pagkatapos ng laro.

“They’ve given us an incredible season so far, but it’s a long way from over.”

Uusad sa NBA Finals ang Miami sa ikatlong sunod na taon. Noong 2011 ay tinalo sila  ng Dallas Mavericks sa Finals ngunit noong isang taon ay binigo nila ang Oklahoma City Thunder para maging champion.

Makakasagupa ng Heat sa NBA Finals ngayon ang San Antonio Spurs na winalis ang Memphis Grizzlies, 4-0 sa Western Conference Finals.

Ang NBA Finals ay mag-uumpisa sa Biernes at hawak ng Miami ang homecourt advantage sa best-of-seven series na ito.
“By any means necessary … we took care of business,” sabi ni James na kasama si Wade ay agresibong inatake ang depensa sa loob nina 7-foot-2 Roy Hibbert at leading scorer ng Pacers na si Paul George.

Dahil dito ay nagkamit ng limang fouls si Hibbert at anim na fouls si George.

Si Hibbert ay tumapos na may  18 puntos para sa Pacers ngunit si George, na umiskor ng 28 puntos sa Game Six at 27 puntos sa Game Five,  ay nalimita sa pitong puntos lamang kahapon.

“The great thing is we’re a young team and we are past the building stage,” sabi ni George. “This is really our first year tasting success. The rate we are going, we see championships soon.”

Noong isang taon ay tinalo rin sila ng Miami, 4-2 sa second round ng Playoffs.

Samantala, lamang  ang Heat sa head-on duel nito kontra Spurs sa regular season. Sa dalawa nilang pagtatapat ay pawang nanalo ang Miami (105-100 at 88-86).

Read more...