PNG incentive itinaas sa P10 milyon ng PSC

ITINAAS ng Philippine Sports Commission (PSC) ang insentibo para sa tatanghaling pangkalahatang kampeon sa gaganaping Philippine National Games (PNG) base sa pagnanais ng mga sports leader na dumalo sa sports caravan para sa Calabarzon at Mimaropa.

Ito ang sinabi  nina PSC chairman William “Butch” Ramirez at mga commissioner na sina Ramon Fernandez at Celia Kiram sa ginanap na  sports caravan para sa Calabarzon at Mimaropa region.

“Ito ay base na rin sa mga rason, pati na rin doon sa unang dalawang leg ng ating isinagawang sports caravan, at paliwanag ng ating mga sports leader kung kaya gusto natin na maibalik naman sa kanila ang sapat na insentibo para sa kanilang paghahanda at pagtulong sa mga atleta,” sabi ni Ramirez patungkol sa PNG na nakatakdang isagawa sa Cebu City ngayong Disyembre.

Bibigyan ng PSC ng P10 milyon ang tatanghaling kampeon, P9M naman ang para sa ikalawang puwesto, P8M sa ikatlo, P7 sa ikaapat, P6M sa ikalima, P5M sa ikaanim, P4 sa ikapito, P3M sa ikatlo, P2M sa ikalawa at P1M sa ikasampu.

Ang dating pabuya ay  P5M para sa kampeon, P4M sa ikalawa, P3M sa ikatlo, P2M sa ikaapat at P1M sa ikalima.

Pinag-iisipan na rin ng ahensiya ang pagbibigay ng katulad na Top 10 na premyo sa isa pa nitong grassroots sports program na Batang Pinoy.

“We heard from almost, or most sports officials na mas malaki ang ginagastos ng mga LGUs para sa  pagsasanay ng kani-kanilang mga atleta kung kaya parang nararapat lamang na maibalik sa kanila ang kanilang mga ginastos sa paghahanda at pagdedelop ng kanilang sports,” sabi ni Fernandez.

Inaasahan naman ni PSC chief of staff at Sports Caravan project director Ronnel Abrenica na mas lalong magiging mahigpit ang labanan sa PNG.

“It is not about the incentive, it is about the grassroots program and the athletes that we will discover. It so happen that we now know from our sports leaders their needs and we will start with their small wishes first,” sabi ni Abrenica.

Read more...