Dinukot ng mga armado ang dalawang crew member ng isang tugboat na humihila ng roll-on roll-off (ro-ro) ferry sa bahagi ng dagat na malapit sa Basilan Huwebes ng tanghali, ayon sa Coast Guard.
Nakilala ang mga biktima bilang sina Aurelio Agacac at Laurencio Tiro, kapwa ng tugboat na humihila sa M/V Super Shuttle Roro 9, sabi ni Lt. Cmdr. Alvin Dagalea, commander ng Coast Guard Station Zamboanga.
Naganap ang insidente dakong alas-12 sa bahagi ng dagat na malapit sa Sibago Island, bayan ng Mohammad Ajul, sabi ni Dagalea sa mga reporter.
Hinihila ng tugboat ang ro-ro ferry, na bumibiyahe mula Cebu patungong General Santos City, nang ito’y salakayin ng mga armadong naka-bangka, aniya.
Sa 11 crew member ng tugboat, sina Agacac at Tiro lang ang tinangay. May 42 crew member naman ang ro-ro ferry pero walang pasahero, ani Dagalea.
Matapos ang insidente’y namataan umano ang mga salarin na tumakas patungo sa direksyon ng bayan ng Tuburan, doon din sa Basilan.
Naganap ang pagdukot 10 oras lang matapos mabawi ng mga tropa ng pamahalaan ang dalawang Malaysian, na crew member din ng tugboat, mula sa Abu Sayyaf sa katabing lalawigan ng Sulu Huwebes ng madaling-araw.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga dumukot at nagpapatuloy pa ang pagtugis sa mga ito, ani Dagalea. (John Roson)
– end –
MOST READ
LATEST STORIES