BONGGA ang plano ng Regal Entertainment para sa movie career ng Make-Up Transformation King/Queen na si Paolo Ballesteros.
Binigyan ng 3-movie contract nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo si Paolo matapos tumabo sa takilya ang kanyang award-winning movie na “Die Beautiful”. Ginanap ang contract signing ni Paolo with Regal bosses (kasama ang manager ni Paolo na si Joji Dingcong) kamakailan kung saan inanunsyo ang mga nakalinyang pelikula na gagawin ng TV host-actor.
Actually, ito ang kauna-unahang pagkakataon na pumirma ng movie contract si Paolo. Aniya, sa ilang taon na niya sa indutstriya bilang isang artista, walang producer ang nag-offer sa kanya ng kontrata maliban nga kina Mother Lily at Ms. Roselle.
“‘Yong contract ko dati, as artist lang for a certain project. Kung hindi pa dahil sa Regal Films, hindi pa ako magiging isang contract star. Ang lakas palang maka-artista ng pirmahan na ganito. Ha-hahaha!” pahayag ni Paolo nang makachika namin at ilang pang member ng entertainment press after the contract-signing niya bilang bagong Regal baby.
Ayon sa Regal at kay Joji, dalawang materyal agad ang naiisip nilang gawin para kay Paolo, pareho raw itong action-comedy. Yung isa ay ang pagtatambalan nila ni Derek Ramsay (na talent din ni Joji) at ang isa ay action-fantasy-adventure na may working title na “X Woman” kung saan gaganap ng iba’t ibang karakter si Paolo para muli niyang magamit ang kanyang talent sa make-up transformation.
Puwede raw nilang pagsuutin dito ng Darna costume si Paolo habang naka-make-up ala-Julia Roberts o naka-Wonder Woman attire habang nasa karakter ni Britney Spears.
‘Yung ikatlong pelikula ay depende sa magiging resulta sa takilya ng first two movies na gagawin niya.
Tuwang-tuwa rin sina Paolo at Joji nang iabot nina Mother Lily at Ms. Roselle ang kanilang bonus (nakalagay sa red ang pao) dahil sa laki ng kinita ng “Die Beautiful” sa nakaraang 2016 Metro Manila Film Festival.
Biniro nga ng press si Paolo na meron na siyang pampagawa ng CR sa ipinatatayo niyang mansyon sa Antipolo, birong sagot naman ng TV host-comedian, “Oo nga, malaking tulong na ito, wala pa kasing flush ‘yung CR namin du’n!”
Anyway, bago ang mga pelikula ni Paolo sa Regal, abangan n’yo muna ang mga nakalinyang proyekto ng Regal ngayong first and second quarter ng taon. Una na riyan ang “Northern Lights” ni Piolo Pascual showing on March 29; “My Mighty Yaya” starring Ai Ai delas Alas; “Woke Up Like This” nina Vhong Navarro at Lovi Poe; “A Fairy Tail Love Story” nina Elmo Magalona at Janella Salvador.