MAY kaakibat na responsibilidad ang kalayaan.
Malayang mag-post ng kahit ano sa social media ngunit handa nilang panindigan at panagutan anuman iyon.
May batas na sumasakop sa electronic cyberbullying.
Tulad sa Pilipinas, naipasa ang RA 10175 o “The Cybercrime Prevention Act of 2012” upang harapin ang mga isyung legal may kinalaman sa online interactions at ang Internet sa Pilipinas.
Hindi rin nagiging maingat kasi ang ilan nating mga kababayan sa pag-aakalang puwede silang mag-post ng kahit ano kapag nasa abroad na sila, na hindi na sila sakop ng batas ng Pilipinas, kahit pa nakakasirang puri ang mga iyon.
Ngunit may umiiral na mga batas sa ibayong dagat upang proteksyunan ang kanilang mga mamamayan laban sa mga pang-aabuso gamit ang Internet.
Tulad na lamang ng kasong kinakaharap ng isang Pinoy sa Dubai.
Ipinagkalat nito ang litrato ng isang police officer doon na naka-uniporme pa sa kaniyang Instagram account at may mapanirang caption pa ito.
Homosexual diumano ang naturang pulis at nag-aalok ng sexual services.
Ang matindi pa, ayon sa report, humihingi ng 8,000 UAE dirham ang Pinoy at tinakot pa nito ang pulis na ipagkakalat niya ang litrato nito kung hindi ito magbibigay.
Ang lakas naman ng loob ng kababayan nating ito. Siya pa ang nananakot sa pulis kahit pa nasa ibang lupain siya. Hindi nagbigay ang pulis at hindi nagtagumpay ang kaniyang extortion attempt kung kaya’t itinuloy nga nito ang kaniyang banta na hihiyain ang naturang pulis.
Nang makita ng mga kaibigan ng pulis ang naka-post na litrato nito, kaagad nilang ipinagbigay alam iyon sa mga awtoridad.
Mabilis na naaresto ang naturang Pinoy at nahatulan ng dalawang taong pagkakakulong. Matapos niyang pagsilbihan ang kaniyang jail term, ipapa-deport ang Pinoy at hindi na ito makababalik pa sa Dubai dahil blacklisted na siya doon.
Sa kaso naman ng pulis, haharap ito sa Court of Misdemeanor dahil sa consensual sex diumano nito sa Pinoy.
Maraming mga kaso ang ating mga kababayan sa abroad na hindi naman konektado sa kanilang mga trabaho.
Ang labis na kasakiman, maling mga paggawi, kahalayan, maling pakikipag-relasyon ang siyang nagtutulak sa kanilang gumawa ng masama at nagiging dahilan ng maraming mga problema na sila mismo ang may kagagawan ngunit maaari sanang maiwasan.
Nagawa pa niyang kikilan ang naturang pulis at nang hindi siya pinagbigyan, itinuloy pa rin niya ang kaniyang pananakot at inilabas nga ang mahalay na larawan ng police officer.
Sinira mismo ng ating kabayan ang kaniyang pagkatao dahil sa kaniyang kasakiman sa laman at salapi.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com