Libel case vs Peping isasampa ni Fernandez sa Biyernes

 

PURSIGIDO si Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon Fernandez na magsampa ng kasong libelo laban kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco.
Kasabay nito ay humiling din umano si Fernandez ng seguridad mula kay Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa.
“Actually, I was advised by the (PSC) chairman himself to seek help for my own security and safety,” sabi ng four-time PBA Most Valuable Player at may 19 championships na si Fernandez sa kanyang pagdalo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Aura Ballroom ng Golden Phoenix Hotel kahapon.
Kasama ni Fernandez sa lingguhang sports forum si Atty. Ramsey Quijano.
Ayon kay Fernandez, nangangamba siya sa kanyang seguridad lalo pa’t patuloy niyang isinisiwalat ang mga anomalya at mga kuwestiyunableng kalakaran sa sports sa mga nakalipas na taon.
“Our PNP chief is a good friend, and it so happen that we have some friends that wanted to have a goodwill game. Pinag-usapan namin sa opis niya and also humiling na rin ako ng possible security,” ani Fernandez.
Nitong mga nagdaang araw ay nakipagpalitan ng maaanghang na salita sa media si Fernandez kay Cojuangco kung saan sinabi ng POC president na sangkot si Fernandez sa game-fixing noong manlalaro pa siya sa PBA.
Pinalagan ito ni Fernandez na sinabing nakatakda siyang magsampa ang kasong libelo kontra Cojuangco sa darating na Biyernes sa Cebu City.
“He is entitled to his own opinion and we will do what is right in proper court. Siya nga eh, what makes him qualify as POC president? He was not even elected dati as equestrian president and look at what he has done to other NSAs,” sabi pa ni Fernandez.
Samantala’y nakahanap ng kanilang makakatulong ang ahensiya para maipaglaban ang kanilang ninanais na agad makamit ang isinasaad sa batas na 5% na hati nito sa buwanang kita ng PAGCOR mula mismo sa mga governor at mayor ng mga local government units sa pagsasagawa nito ng sports caravan ng Philippine Sports Institute (PSI).
“We feel that LGUs especially the governors and mayors are vital part of our countries sports grassroots program,” sabi ni Fernandez. —Angelito Oredo

Read more...