Pinananatili ng National Police ang “high alert” makaraang maaresto ang hinihinalang kasapi ng isang grupong nakikisimpatiya sa ISIS at makumpiska ang isang bomba sa Quezon City kahapon.
Napigil ng pagkadakip kay Nasip Ibrahim at pagkakumpiska sa bombang kanyang tinatago ang tila isa na namang plano ng Maute group na maghasik ng lagim, sabi ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Pinatutunayan din nito na ang grupo, na nakabase sa Lanao, ay mayroon nang “presensya” sa Metro Manila, sabi ni Dela Rosa sa isang kalatas.
“I do not want to sound alarmist or cause panic, but prudence, it has been said, is the better part of valor. I therefore, urge our people to remain calm yet alert and vigilant of the presence of threat groups in our midst,” aniya.
Ayon kay Quezon City police director Chief Supt. Guillermo Eleazar, nadakip si Ibrahim sa kanyang sari-sari store sa Salaam Compound, Brgy. Culiat, pasado alas-9 ng gabi.
Pakay sana ng mga pulis at sundalo na arestuhin ang isang Jamil Baja Tawil, isa umanong tagasuporta ng Maute group na wanted para sa illegal possession of firearms at kinakanlong ni Ibrahim, sabi ni Eleazar sa kanyang ulat.
Dahil di natagpuan si Tawil, tinanong ng mga operatiba si Ibrahim pero iniiwasan niya ang paksa, ayon sa police official.
Dito na napansin ng mga operatiba ang isang kalibre-.45 pistola sa tindahan ni Ibrahim kaya hiningan siya ng dokumento para sa baril, ngunit wala siyang nailabas.
Dahil doo’y kinumpiska ng mga operatiba ang kargadong baril at hinalughog ang bahay ni Ibrahim, kung saan sila natagpuan ang kalibre-.9mm KG machine pistol, dalawang magazine na may 34 bala, pitong sachet ng hinihinalang shabu, at ang IED, ani Eleazar.
Maaaring sangkot din si Ibrahim sa nabigong pambobomba sa U.S. Embassy sa Maynila noong Nobyembre 28, 2016, ani Eleazar, gamit bilang basehan ang intelligence information.
Si Ibrahim diumano ang nagmaneho ng asul na Toyota Revo na ginamit sa pagtatanim ng bomba, ayon kay Eleazar.
Matatandaan na isang tagalinis ang nakatagpo ng IED malapit sa compound ng embahada at nag-ulat sa pulisya, na nagdisarma naman sa pampasabog.
Ayon kay Eleazar, minaneho ng mga kasabwat ni Ibrahim ang Revo mula Mindanao patungong Metro Manila, at siya ang nangasiwa sa pagtuloy ng mga ito sa isang apartelle sa Quezon City.
Ilang araw bago ang insidente, nakipagkita si Ibrahim sa tatlo pang tao, kabilang ang kanyang tiyuhin na naglapat ng plano, sa isang mall sa Marilao, Bulacan, ayon sa police official.
Matapos ang bigong pambobomba, dinakip ng mga sundalo’t pulis ang apat na suspek, na nakilala bilang sina Jiaher Guinar, Rayson Kilala, Mohammad Jumao-as, at Elmer Romero.
Pinaghahanap pa ang isang Yusof Macoto, isang imam sa Tejeros Mosque ng Tanza, Cavite, na nagtuturo diumano ng jihad at pinaniniwalaang “mastermind” ng bigong pambobomba, ani Eleazar.
Ang Maute group, pinamumunuan ng magkakapatid na Omar, Abdullah, at Otto Maute, ay isang grupo ng mga armado na tinutugis ng mga tropa ng pamahalaan sa Mindanao para sa ilang insidente.
Kabilang sa mga mga kinasasangkutan ng grupo ang pag-okupa sa munisipyo ng Butig, Lanao del Sur, na bahagi umano sa balak nitong magtayo ng Islamic state.
Noong Pebrero, inihayag ng Department of National Defense na maaaring naka-konekta na ang grupo kay Isnilon Hapilon, ang mataas na pinuno ng Abu Sayyaf sa Basilan na ipinadala ng Middle East-based na Islamic State of Iraq and Syria sa Lanao para magtayo ng lokal na Islamic state.
MOST READ
LATEST STORIES