‘Kris may armas pa ring papuputukin sa pagbabalik-TV!’

kris aquino

ONE time-big time lang pala ang malapit nang mapanood na TV show ni Kris Aquino. Akala kasi ng mga tagahanga ng aktres-TV host ay linggu-linggo siyang mapapanood sa Trip Ni Kris pero isang dalawang oras na sultada lang pala ‘yun.

Parang suntok sa buwan ang sitwasyon. Kapag nagustuhan raw ng publiko ay masusundan pa ‘yun, pero kung hindi ay isa lang muna ang ihahain ni Kris at ng kanyang kasosyo sa produksiyon, sayang naman kung ganu’n lang pala ang kanilang plano.

Sa tanong kung magugustuhan ng manonood ang bagong show ni Kris ay nakakahon na ang sagot, magaling siyang TV host, kaya paniguradong maraming nag-aabang sa kanyang pagbabalik-telebisyon.

Hiling ng mga tagasuporta ni Kris ay regular na sana siyang mapanood, hindi ‘yung paminsan-minsan lang, tutal naman ay meron na silang nakuhang time slot sa GMA 7.

Gusto rin sanang ipagprodyus ng kanyang partner si Kris, ‘yung time slot na naiwanan niya sa ABS-CBN ang gusto nito, kaya lang ay hindi bakante ang ganu’ng oras sa Siyete at mukhang hindi ‘yun ibibigay sa mga blocktimer.

Mabilis mag-anunsiyo si Kris, sa halip na sa March 26 ay sa April 9 na mapapanood ang Trip Ni Kris, dahil hindi pa raw nakukumpleto ang kanilang shoot at madugo rin ang editing.

Harinawang magtuluy-tuloy na ang pagbabalik ni Kris Aquino sa mundong mahal na mahal niya, napakatagal na niyang wala sa gitna ng aksiyon, kailangang bumawi siya sa Trip Ni Kris.

Ang mga personalidad na may angking talento ay maaaring mawala pansamantala pero sa kanilang pagbabalik ay siguradong may armas pa rin silang papuputukin.

Read more...