Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. UP vs UE (men)
10 a.m. UST vs Ateneo (men)
2 p.m. UST vs Adamson (women)
4 p.m. FEU vs Ateneo (women)
NAKATUTOK sa ikawalong sunod na panalo at ikawalong diretsong pagtuntong sa semifinals ang Ateneo de Manila University Lady Eagles sa pagsagupa sa Far Eastern University Lady Tamaraws sa tampok na salpukan Sabado sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Magsasagupa muna ang University of the Philippines Fighting Maroons, na pilit kakapit sa ikaapat na silya, at ang napatalsik na University of the East Red Warriors ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng inaasahang magiging mainitang salpukan sa pagitan ng nasa ikaapat na puwestong University of Santo Tomas Tigers kontra sa nagtatanggol na kampeon at sigurado na sa silya sa Final Four na Ateneo Blue Eagles sa alas-10 ng umaga na sagupaan.
Pilit naman babawi ang UST Tigresses sa kabiguang sinapit sa kamay ng Lady Eagles sa pagsagupa sa nananatiling asam ang unang panalo na Adamson University Lady Falcons sa alas-2 ng hapon bago ang krusyal na salpukan ng FEU Lady Tamaraws na pilit iigpaw sa tatlong koponang nasa ikatlong puwesto sa pagsagupa sa Ateneo Lady Eagles ganap na alas-4 ng hapon.
Importante sa Fighting Maroons, na bitbit ang 4-5 record sa ikalimang puwesto sa likod ng UST Tigers na may 4-4 karta, na iuwi ang panalo upang pahigpitin ang labanan sa Final Four sa pagsagupa nito sa Red Warriors na mayroon lamang 1-8 record at maagang nagpaalam sa torneo.
Pilit naman aabutin ng asam ang ikatlong sunod nitong titulo na Ateneo Blue Eagles ang pagwalis sa lahat ng mga laro nito sa eliminasyon para sa awtomatikong silya sa kampeonato sa pagtatangka na masungkit ang ika-10 sunod na panalo kontra sa pilit mangunguyapit sa apat na silya na Tigers na may 4-4 rekord.
Inaasahan naman na babangon ang Tigresses na napasama sa apat na koponang bitbit ang 5-4 panalo-talo kartada matapos makalasap na kabiguan kontra Lady Eagles sa pagsagupa nito sa napatalsik na sa labanan na Adamson Lady Falcons na may 0-9 record.
Ikalawang sunod na panalo naman ang asam ng Lady Tamaraws na umahon mula sa nalasap na masaklap na kabiguan sa nagtatanggol na kampeong De La Salle University Lady Spikers, 5-25, 23-25, 23-25, sa pagbigo nito sa Lady Falcons, 25-9, 25-20, 25-11.
Huli naman tinalo ng nangungunang Ateneo ang UST, 25-10, 26-24, 28-26, para sa ikapitong sunod na panalo.