Kapag napuno na ang salop…

KAPAG ang ordinaryong mamamayan ay napuno na, dapat magtago na ang mga abusadong nasa kapangyarihan, gaya ng mga pulis.

Punong-puno na sa pagtitiis sa pang-aabuso sa kanila ng pitong pulis kaya’t nag-rally ang mga vendors sa Ermita, Manila sa harap ng Manila Police District (MPD) headquarters.

Nilantad ng mga vendors sa kanilang rally ang pambabakal sa kanila ng P100 hanggang P200 kada araw ng pitong alagad ng batas.

Ang mga pulis na inireklamo ay sina SPO2 Marvin Velasquez, SPO2 Romel Santos Alfaro, PO3 John Gaviola David, PO3 Leo de Jose, PO2 Romeo Rosini Jr., PO1 Ronnie Boy Alonzo at PO1 James Paul Cruz. Lahat sila ay nakatalaga sa Ermita police station.

Ang mga pulis na nabanggit ay hindi gagawa ng pambabakal kung walang utos ang mga nakatataas sa kanila.

Kailangang sipain ang kanilang hepe.

Mababawasan ang abuso ng mga taong may kapangyarihan, gaya ng mga pulis, kapag nagkaisa ang mamamayan na ilantad ang mga pagmamalabis nila.

Ang mga residente ng isang barangay, halimbawa, ay maaaring magtungo sa isang police station ng malaking grupo upang isumbong ang isang abusadong pulis sa kanilang lugar.

Kapag hindi sila pinakinggan ng station commander, puwede silang mag-rally sa harapan ng station o headquarters na gaya nang ginawa ng mga vendors.

Mabibigyang pansin ang hinaing ng mga ordinaryong mamamayan tungkol sa pang-aabuso ng mga pulis kapag marami silang nagsusumbong.
There is strength in numbers, ‘ika nga.

Nagpunta sa aking tanggapan sa “Isumbong mo kay Tulfo” si Rosemarie Lopez, empleyado ng isang department store, upang isumbong ang tatlong pulis na nanghuli sa kanyang nanay.

Si Aurora Lopez, 50 anyos, ay isang dating drug pusher, aminado si Rosemarie, na nakatirang hiwalay sa kanyang nanay.

Tumigil na raw si Aurora ilang taon na ang nakararaan, ani Rosemarie, dahil napakiusapan na siya ng kanyang mga anak.

May kinakasama na rin ang kanyang ina, sabi ni Rosemarie, na may disenteng trabaho kaya’t tumigil na ito sa masamang gawain.

Ni-raid nina PO1 Kaylin Moran, PO1 Donnie Miclat at isa pang hindi nakikilang pulis ang bahay ni Aurora sa Caloocan City.

Walang dalang warrant ang mga pulis.

Hinalughog diumano ng mga ito ang bahay at kinuha ang isang tablet, cash, isang piggybank na maraming lamang barya.

Hindi nakipag-coordinate ang mga pulis sa barangay.

Sinabi ni Rosemarie na humingi ng P300,000 ang mga pulis upang siya’y mapakawalan.

Nang walang maibigay ang pamilya ni Aurora ay tinuluyan itong sampahan ng demandang drug pushing, isang offense na walang piyansa.

Tinawagan ng “Isumbong” ang barangay kung saan nakatira si Aurora.

Sinabi ng mga barangay officials na hindi nag-coordinate ang mga pulis sa kanila bago nila pinasok ang bahay ni Aurora.

Dapat ay nagpapaalam ang mga pulis sa barangay bago sila manghuli sa kanilang lugar.

Read more...