Kaye Cal gwapong tibo, debut album suportado ng LGBT

kaye cal

MULA sa Pilipinas Got Talent hanggang sa We Love OPM, ang Acoustic Soul Artist na si Kaye Cal ay handa nang magpakilig sa paglulunsad ng kanyang unang solo album mula sa Star Music.

Nagsimulang makilala sa Kaye bilang lead vocalist ng Ezra Band na isa sa mga naging grand finalist sa Pilipinas Got Talent Season 1. Itinuloy niya ang solo career sa pamamagitan ng kanyang YouTube channel at bilang isa sa mga artists ng Himig Handog at “OPM Fresh” ng Star Music. Siya rin ay naging bahagi ng team ni Nyoy Volante sa We Love OPM.

Mayroong siyam na awitin sa self-titled album ni Kaye. Dalawa dito ay siya mismo ang nagsulat, ang “Rosas” at “Mahal Ba Ako ng Mahal Ko.”

Bahagi rin ng track list nito ang ilan sa mga pinasikat niyang covers, ang all-time Pinoy favorite na “Why Can’t It Be”, “Ikaw Lang”, at ang isang collaboration ni Kaye kasama sina Maya at Michael Pangilinan, ang revival song na “Kung Ako Na Lang Sana”.

Mayroon ding apat na bonus tracks sa album kasama na ang awitin ng Ezra Band na “Walang Iba” at ang kanyang hit single na “Isang Araw”, na bahagi ng Star Music “OPM Fresh” compilation.

Kasama rin dito ang awitin ni Kaye na “Nyebe” mula sa Himig Handog’s P-Pop Love Songs 2016, pati na rin ang “Give Me A Chance” mula sa official soundtrack ng seryeng Til I Met You.

Ang mga awitin sa album na ito ay siguradong patok sa mga hopeless romantic fans.

“Yung album ko, isang word lang ang made-describe ko rito, it’s love. Ang mga songs dito ay tinutukoy ang iba’t ibang cases ng love. It’s a dream come true po talaga to release an album, to have a solo album,” chika ng singer.

Si Kaye ay nagmula sa Davao del Sur at isang proud lesbian at miyembro ng LGBT community. Kung hindi mo nga siya kilalang lesbian, aakalin mong isa siyang tunay na lalaki dahil sa kanyang itsura, tindig at boses.

Bukod sa pagtugtog ng gitara, kilala din siya sa kanyang soulful at masculine singing voice.
Panoorin siya nang live sa kanyang grand album launch na magaganap ngayong Linggo, March 19, 7 p.m. sa Starmall Alabang.

Ang “Kaye Cal” album ay ipinrodus ni Rox Santos at malapit nang mabili sa halagang P199 lamang sa lahat ng record bars nationwide. Maaari ding ma-download ang digital tracks nito sa online music stores tulad ng iTunes, Apple Music at Spotify.

Read more...