SA halip na ma-stress at ma-out of focus dahil sa bashers, ginagawa na lang positive ni Hashtag member Ronnie Alonte ang mga panlalait at pambabastos sa kanya sa social media.
Sa launching ng Club Penshoppe PH, kung saan isa si Ronnie sa mga ipinakilalang bagong brand ambassador, sinabi ng binata na hindi na siya nagpapaapekto sa mga nambu-bully sa kanya, masaya pa nga raw siya kapag nakakabasa ng mga pang-ookray sa kanya.
“Masama kung hindi ako napapansin or wala akong bashers. Kasi sabi nga sa akin ng mga beteranong nakakausap ko, like sina Vice (Ganda) kasi sobrang close kami, nina Vhong (Navarro), Billy (Crawford), kapag hindi ka binash magtaka kasi kapag binash ka ibig sabihin napapansin ka,” paliwanag ng young hunk actor.
Sa katunayan, pati nga raw ang pananamit niya ay nilalait ng ilang netizens, kaya abot-langit ang pasasalamat niya sa Penshoppe dahil sa kabila ng pang-ookray sa kanyang fashion style ay kinuha pa rin siya para maging bahagi ng unang batch ng Club Penshoppe PH along with other Kapamilya artista Loisa Andalio, Sofia Andres, former PBB Lucky Season 7 housemate Tanner Mata and his twin Tyler Mata.
Ka-join din sa grupo ang Spanish model na si Emilio Francisco Perez at ang Brazilian model na Maria Fabiana na nag-viral ang photo kamakailan dahil marami ang nagsasabi na kamukha raw niya si Liza Soberano.
In fairness, after nina Sandara Park, Mauro Maurer at iba pang international stars, sila na ang bagong ambassador ng sikat na sikat na clothing line sa bansa na ilang dekada na ring sinusuportahan ng mga Pinoy.
“This group is composed of fresh faces that represent the global youth and it’s a movement that aims to celebrate diversity, style, and individuality. We had to choose people that represent the different personalities of the youth, and they fit that perfectly,” ang sabi ni Penshoppe Brand Director Jeff Bascon.
Hirit pa ni Jeff, “Each member of #ClubPenshoppePH is more than just a pretty face. They all have a story that everyone can relate to, will inspire everyone to go for their dreams and see the good in others. We can’t wait for everyone to get to know them better.”
Sey naman nina Sofia at Loisa, until now ay hindi pa rin sila makapaniwala na napili sila para maging bahagi ng bagong ad campaign ng Penshoppe, kaya promise nila sa may-ari ng kompanya, gagawin nila ang lahat para masuklian ang ibinigay sa kanilang tiwala at pagpapahalaga.
Nagpasalamat naman si Maria Fabiana sa lahat ng mga followers at fans ni Liza Soberano na pumupuri sa kanya at nagsasabing kamukha niya ang rumored girlfriend ni Enrique Gil. Aniya, gandang-ganda rin daw siya kay Liza at isa ito sa mga idol niya.