LABATT ang pinaikling tawag sa Labor Attache’ na nakadestino sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sila ang mga opisyal ng pamahalaan na nangangalaga sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibayong dagat na mas kilala bilang mga overseas Filipino workers o OFWs.
Pinalalakas nila ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang kinaroroonan hinggil sa larangan ng paggawa o labor.
Nagbubukas ito ng maraming oportunidad para sa ating mga kababayan hinggil sa mga trabahong kinakailangan sa kanilang bansa.
Kaakibat nito ang paninigurong nasusunod ang mga batas para sa patas na paghahanapbuhay ng ating mga kababayan tulad ng tamang pasuweldo at working condition.
Sila rin ang unang sumasaklolo sa ating mga OFW sa panahong inaabuso sila ng kanilang mga employer; pansamantalang kukupkupin sa ilalim ng kanilang pangangalaga upang mabilis na maasikaso ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.
May limang Labatt na pinabalik ng Pilipinas si Labor Secretary Silvestre Bello. Nais niyang pagpaliwanagin ang mga opisyal na ito hinggil sa kanilang mga tungkulin sa ibayong dagat. Kasabay nito ang babalang kapag nakatanggap pa siya ng mga reklamo laban sa kanila, tuluyan na ‘anya niyang pababalikin ng Pilipinas ang naturang mga opisyal.
Sa kahit anong organisasyon, palaging may matino at hindi matinong mga miyembro ito.
May magagaling na Labatt na hindi nalo-lobatt kaming tinagurian sa Bantay OCW. Sila yung may mga puso at palaging handang magserbisyo sa ating mga kababayan. Sila na kahit pa sa oras ng kanilang pagkain, pagtulog at pagkakataon na makasama ang pamilya ay binabalewala para lang makapaglingkod sa ating mga OFW.
Minsan pa nga, kahit sariling buhay ay handa nilang itaya at malagay sa panganib sa larangan ng paglilingkod.
May mga kababayan din naman tayong sadyang abusado. Tulad ng kuwento ng isang Labor Attache’ nang lumapit ang isang OFW sa kanya.
Natanggal ‘anya siya sa trabaho. Sabi ni Labatt hahabulin nilang makuha ang mga benepisyo para dito at isasaayos ang agarang pag-papauwi sa OFW.
Ngunit sa halip na matuwa nagalit pa ito. Hindi ‘anya iyon ang gusto niyang marinig kay Labatt.
Gusto nitong hanapan siya ng panibagong trabaho doon. Sabi ni Labatt hindi niya puwedeng gawin iyon dahil hindi naman siya recruiter.
Nang marinig ito ng OFW galit siyang umalis ng embahada at nagsumbong sa Bantay OCW na hindi siya tinulungan ni Labatt.
Kaya naman nang tanungin namin si Labatt, naintindihan namin ang gustong ipagawa ng OFW sa kanya na hindi naman talaga puwede.
Ipinagkalat ng OFW sa Filipino community doon na walang silbi at pawang mga inutil ‘anya ang mga taga embahada dahil hindi siya tinulungan.
Kaya sa puntong ito, magiging maingat din ang ating mga opisyal na huwag agad-agad paniwalaan ang sumbong ng ating mga OFW.
Maaaring gamitin nila ang banta ni Sec. Bello na agad pauuwiin ang Labor Attache’ kapag may natanggap na reklamo laban sa kaniya.
Masusing imbestigasyon at patas na pagdinig ang aasahan natin pareho sa panig ng ating mga Labor Attache’ at OFW.