‘Father Ansel Beluso’

HANAPIN ang katarungan. Pagbawalan ang mga nang-aapi. Harapin ang daing ng ulila. Kung susuway, ang tabak ang sa inyo’y kakain. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Is 1:10, 16-20; Slm 50:8-9, 16bk, 17, 21,23; Mt 23:1-12) sa ikalawang linggo ng Kuwaresma.

Malupit ang Diyos kapag naubos ang kanyang awa sa ayaw magsisi. Kapag may katarungan, walang api. Pero, hindi ito ang nagaganap ngayon. Walang katarungan ang mga namatay. Walang dokumento sa bawat kaso, sa kabila ng mga testigo. Tabak ang ganti, tulad nang iginagawad sa mga Arabong bansa.

Nagulo ang tabakuhan sa Diocese of Malolos nang makarating ang balita mula sa Vatican na maaaring pag-aralan ang naiisip ng Santo Padre na punan ng may-asawang mga lalaki (matitino at napakarelihiyoso) ang labis na kakulangan ng pari sa buong mundo. Si Ansel Beluso, puwedeng maging pari?

Naalala ko ang gabi ng Biyernes sa Jingle nang arestuhin si Ansel sa kasong libelo, habang kami ay nag-iinuman sa labas ng publikasyon, sa kabilang kalye. Malaki na ang ipinagbago ni Ansel ngayon: may programa sa Veritas, nag-asawa (ng babae) at nagkaanak, maimpluwensiyang lider ng Couples For Christ at nagsisikap maging kawangis ni Kristo.

Kung kakulangan lang ng pari ang problema ni Pope Francis, napakaraming pari sa Diocese of Malolos at nakahanay pa ang mga reverendong oordinahan. Mas magagaling pa nga ang mga reverendo sa Pagninilay at Homilia kesa matatandang kura’t monsinyor. Ang bayan ng Hagonoy ang pinagmumulan ng maraming nagpapari.

Ehnu ngayon kung tanggalan ng komite si GMA sa Kamara? Naging pangulo na siya sa mahabang panahon, kailangan pa ba niya ng (mga) komite? Ang maging kinatawan lang ng kanyang kababayan ay sapat na. Inulan na siya ng mga biyaya’t pagpapala.

Bago magretiro sa PNP si Bato, kailangan niya ng tulong. Kawawa naman siya kung magreretiro siyang nakayuko at di taas noo, tulad ni Recaredo Sarmiento, di mayaman pero malinis. Ang legacy ni Bato ay nang patayin sa Crame si Jee Ick-joo. Matagal bago nakabangon si Bato. Kung nakikinig lang si Bato sa mga di taga- Mindanao.

Isang nakatatawang legacy ni Bato ay nang yayain niya ang mga pari na sumama sa Tokhang. Kaya ng pulis na labanan ang droga nang walang pari sa tabi. Sa isang banda, akala siguro ni Bato, kapag may pari sa tabi, ang EJK ay hihina sa International Criminal Court.

Ang social media ay nasa Ebanghelyo. Ayon sa Lukas 6:45, ang bukambubig ang siyang laman ng dibdib. Ang social media ay tigib ng sama ng loob at pagkamuhi. Muhi at masamang puso. Hate speech, bashing. Dulot ng mabuti ang mabuti; ang masama na nasa fb at chat, ay masama, at nagmula pa sa puso.

Bakit di inilalantad ang lider ng Kadamay na nag-organisa para agawin ang mahigit 300 units ng pabahay ng NHA sa Pandi, Bulacan? Alam niyang mali ang agaw-bahay at mismong si Duterte ay nagsabing anarkiya ang nangyari. Tinustusan ang paglusob sa Pandi.

Malaki na ang inasenso ng paligid sa NHA resettlement sa Pandi, Bulacan. Mabilis ang asenso ng Pandi dahil masisipag naman ang mga taga-rito at tumutulong ang munisipyo. Malapit na sa hanapbuhay ang magiging residente ng resettlement area ng NHA. Noon, nalalayuan sila sa Pandi at di raw sila mabubuhay doon. Ngayon, inaagaw nila ang mga bahay dahil tumaas na ang halaga ng payak na ari-arian.

Mabuti nga pangalan lang ang nakalimutan kay Leni sa Baguio. Sa Davao City, wala na nga ang pangalan sa mesa, wala ring silya. Meron ding nangyari na pagpasok ng kawani kinabukasan, nawawala ang kanyang mesa at silya at ibang mesa na at silya ang nasa tabi ng bintana.

PANALANGIN: San Miguel Arkanghel, tulungan mo kaming mapagtagumpayan ang lahat ng kasamaan. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958; litobautista5319@yaho.com): Tanggalin si Tugade. Lalong lumala ang trapik. …4112

Read more...