Café France Bakers umusad sa D-League semis

UMABANTE ang Café France Bakers sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals matapos nitong itala ang 86-75 pagwawagi laban sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa kanilang quarterfinals match Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naghulog si Paul Desiderio ng 16 puntos kabilang ang tatlong 3-pointers na nilakipan niya ng apat na rebounds at dalawang assists habang ang Congolese center na si Rod Ebondo ay nagtala ng 16 puntos, 11 rebounds at tatlong blocks sa panalo ng Bakers.

Si Joseph Sedurifa ay nag-ambag ng 15 puntos, walong rebounds at apat na assists habang si JK Casino ay nagdagdag ng 15 puntos at limang assists para sa Café France.

Natambakan ng 10 puntos, 32-22, sa huling bahagi ng ikalawang yugto, naghulog ang Bakers ng 33 puntos sa ikatlong yugto para makontrol ang laro at itaguyod ang 65-55 kalamangan.

Tinapyas ng JRU ang kalamangan ng Café France sa lima, 70–65, may 4:50 ang nalalabi sa laro subalit sinagot ito ni Desiderio ng magkasunod na triple na sinundan ni Sedurifa ng isa pang 3-pointer may 1:09 ang natitira para talunin ang Heavy Bombers.

Read more...